Nailigtas ng mga residente ang isang bagong silang na sanggol na babae na inabandona sa madamong bahagi ng bakanteng lote sa Barangay San Miguel, Tagum City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nakakabit at hindi pa napuputol ang pusod ng sanggol nang matagpuan.
Sa video, makikita ang mga residente na hinahanap ang sanggol hanggang sa makita nila ito sa damuhan na nababalot lang ng lampin.
Isa sa mga residente ang kumuha ng tela para ibalot sa sanggol na maingat niyang binuhat.
Madidinig ang pag-iyak pa lalo nang sanggol nang makuha na siya.
Nasa pangangalaga na ngayon ng City Social Welfare and Development Office ang sanggol na maayos naman ang kalagayan.
Nagsisiyasat na ang pulisya upang malaman kung sino ang ina at nag-iwan sa sanggol sa damuhan. --FRJ, GMA Integrated News