Unti-unti nang nalilinya at nakikilala sa kontrabida role si Maui Taylor. Pero bago nito, isa ang aktres sa mga pinakasikat noon na sexy actress na miyembro ng dating grupo na Viva Hot Babes.
Sa programang "Lutong Bahay" na host si Mikee Quintos, ibinahagi ni Maui na nagsimula siya bilang commercial model sa edad na tatlo bago nakapasok sa showbiz.
Ayon pa kay Maui, 14-anyos naman siya nang mapasama sa kaniyang unang TV series na Anna Karenina.
Pag-amin ng aktres, minsan na siyang nasigawan ng noong nagsisimula siyang umarte dahil sa hindi pa siya mahusay magtagalog.
Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, ginamit niyang challenge ang pagsigaw sa kaniya para maghusayin ang pag-aaral niya ng wikang Filipino.
Hanggang sa tuluyan na siyang makilala nang mapasama sa grupo ng mga sexy actress na tinawag na Viva Hot Babes.
Ayon kay Maui, walang problema sa kaniya na ikonsidera siya na sexy icon at pinagpapantasyahan ng kalalakihan dahil hindi umano maiiwasan.
"Okay lang. Congratulations guys," patungkol ni Maui sa mga humahanga sa kaniya at binibiro niyang "napatangkad" niya.
"It's more of hindi maiiwasan 'yun eh, kasi babae nga na nakabihis nang balot na balot pinagpapantasyahan eh, what more kami na nagse-sexy?" paliwanag niya.
BASAHIN: Maui, laging kasama noon ang kaniyang mommy kahit pa may intimate scenes siyang kukunan sa set
Tinanong ni Mikee si Maui kung may idea na ba ang dalawa niyang batang anak na lalaki tungkol sa kaniyang pagiging sexy actress noon.
"Alam lang nila, sasabihin lang nila: 'Mommy is an actress.' Feeling ko wala pa silang nakikita," saad ni Maui.
Pero kung magtanong man tungkol sa sexy roles na ginagawa niya noon, sinabi ni Maui na ready siya kapag dumating ang panahon na iyon.
"But I'm ready to...when the time comes. Kasi yung eldest ko is 11 na. Konti na lang 'yon magtatanong na 'yan," dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Maui na tuloy pa rin ang co-parenting nila ng ama ng mga bata. Pero hindi na sila nagsasama ng lalaki sa iisang bubong at tuluyan na silang naghiwalay.
BASAHIN: Maui Taylor, 'single' na ngayon pero kasama pa rin sa bahay ang ex-partner
Nang tanungin kung may nagpapatibok ngayon ng puso niya, sagot ni Maui, "Wala pero maraming nagpaparamdam."
Magbabalik si Maui sa "Lolong" Season 2 sa GMA Prime sa January 2025, ay muli niyang gagampanan ang role bilang Dolores Baticusin, na kontrabida.— FRJ, GMA Integrated News