Sa programang "Lutong Bahay" na host si Mikee Quintos, ibinahagi ng dating Viva Hot Babes member na si Maui Taylor na kasama niya at nanonood ang kaniyang ina sa shooting ng kaniyang mga proyekto kahit mga intimate scene ang kinukunan.
Sa naturang episode, kasama ni Mikee si Kuya Dudut nang puntahan nila si Maui, at pamangkin nito na si Raffy, at nagluto sila ng caldereta at Pinoy-style spaghetti.
Sa segment na magtatanong si Mikee at puwedeng mamili si Maui kung sasagutin niya ang tanong o kakainin ang mapipili niyang pagkain, inusisa ng host ang dating sexy icon kung naramdaman ba niyang nabastos siya noon habang kinukunan ang eksena.
Pinili ni Maui na sagutin ang tanong ay ikinuwento na nangyari ang insidente nang may ginagawa silang CD pero mga "talent" at hindi talaga aktor ang kanilang kapareha sa eksena.
Ayon kay Maui, hindi dinadaya ng kapareha niya ang mga halik at talagang idinidikit nito ang katawan sa kaniya.
"Kasi kapag nagsu-shoot ng mga ganyan sa totoo lang daya-daya lang," paliwanag ni Maui.
Sinabi ng aktres na hindi na niya kinompronta ang lalaki at ipinaubaya na lang niya sa kaniyang mommy, na "open-secret" umano na lagi niyang kasama sa buong sexy career niya.
Patuloy pa ni Maui, maging sa paggawa niya ng mga intimate scenes ay nasa set ang kaniyang ina at nanonood.
Bagaman nako-conscious umano siya noong una, nasanay na rin si Maui na kasama ang ina na nagsilbing extra layer of protection niya.
Inamin din ni Maiu na nagkaroon siya ng iringan noon sa mga kapuwa Hot Babes noon na sina Andrea Del Rosario at Jen Rosendah pero naayos din naman.
Pero nang tanungin kung mayroon ba siyang nakatrabaho noon na ayaw na niyang makatrabaho uli, natatawang sinabi ni Maui na "marami," pero pinili niyang huwag na lang magbigay ng pangalan at tinikman na lang ang nakahanda one-day old chicken.
Mula sa pagiging sexy actress noon, nalilinya na ngayon si Maui sa mga kontrabida roles gaya ng season 2 ng action series na "Lolong" ni Ruru Madris.-- FRJ, GMA Integrated News