Naalarma ang mga environmentalist sa nakita nilang nakabara sa lalamunan ng isang heron sa Brazil--isang buong plastic cup. Kung hindi raw maaalis ang nakabara, maaaring mamamatay ang ibon pagkaraan lang ng ilang araw.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nakita ng mga eksperto ang heron sa gilid ng ilog sa Rio de Janeiro sa Brazil, at napansin nila na may nakaumbok sa lalamutan nito.
Hindi kaagad natukoy ng mga ekspero kung ano ang nakaumbok sa lalamunan ng ibon hanggang sa makuhanan na nila ito ng larawan at video nang malapitan.
Ayon kay Jefferson Pires, veterinarian/biologist, karaniwan na sa kanila ang may makitang plastic sa sikmura ng mga hayop, pero pambihira ang kaso ng heron na isang buong plastic cup ang nakabara sa lalamunan.
Pangamba nila, posibleng hindi makakain nang maayos ang ibon dahil sa nakabara sa lalamunan nito.
Kung hindi maooperahan kaagad ang ibon, maaari itong mamamatay sa gutom sa loob lang ng ilang araw.
Kaya plano ng grupo ni Pires na hulihin ang ibon sa sandaling manghina na ito at kaagad nilang ooperahan upang maisalba ang kaniyang buhay. -- FRJ, GMA Integrated News