Kung palakihan ng agwat ng edad ang pag-uusapan, malamang mag-uwian na ang ibang may tinatawag na May-December love affairs dahil hindi patatalo ang isang mag-asawa sa Sarangani Province na 48 taon ang tanda ni mister sa kaniyang misis na apo ng kaniyang kaibigan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," tila napatunayan na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga taong hindi pa nahahanap ang kanilang "the one," dahil posibleng literal na hindi pa ipinapanganak ang sadyang nakalataga para sa kanila.
Tulad halimbawa kina Amil Sampulna, 68-anyos, na halos triple ang tanda sa kaniyang naging asawa na si Jinly Improgo, na 18-anyos lang noon nang kaniyang ligawan at sagutin siya.
At hindi lang basta naging asawa ni Amil si Jinly, dahil nabiyayaan pa sila ng dalawang anak, na ang bunso ay isinilang noong lang Nobyembre 13.
Pero may ilan na hindi maiwasang punahin ang relasyon ng mag-asawa.
“Sayang po kasi pumatol po siya sa matanda. Marami pa po siyang puwdeng gawin sa kaniyang buhay,” sabi ng isang taga-roon sa kanilang lugar.
“May edad na po 'yung pinatulan niya. Posible pong maiwan mag-isa,” sabi naman ng isa pang lalaki.
Dalawang taon na ngayong nagsasama sina Amil at Jinly kasama ang kanilang mga anak.
Si Jinly ang nag-aasikaso sa bahay, nagluluto, naglilinis, habang si Amil naman ang nagtatanim ng saging at ibang gulay sa gulay. Kumikita siya ng higit P100 o P300 na inilalaan niya sa pamilya.
Apo ni kumpare
Ilang taon na naging balo si Amil mula nang pumanaw ang dati niyang asawa noong 2014 dahil sa high blood.
“Nagkaroon kami ng anim na anak, may mga asawa na. Masakit ‘yan sa damdamin. Kaya gusto kong makapag-asawa dahil gusto kong magkaroon ng anak ulit,” sabi ni Amil.
Taong 2022 nang makita ni Amil si Jinly nang bisitahin niya sa bahay kaibigan niyang si Antonino.
Agad na nabihag ang puso ni Amil kay Jinly na apo ni Antonino, at kinalaunan ay ipinagtapat niya ang kaniyang damdamin sa dalaga.
“Guwapa siya tapos, masunurin, mabait, malambing siya. Kinikilig ang puso ko,” kuwento ni Amil.
“Naguwapuhan po kasi mabait po siya,” sabi naman ni Jinly tungkol kay Amil.
Kahit na tila apo na niya si Jinly, nagpursigi si Amil na siyuin ang dalaga na nasa legal na edad na kaya hinayaan na rin ni lolo Antonino na magpasya.
Nang minsang bumisita si Amil sa bahay nina Jinly, naabutan niyang masama ang pakiramdam ng dalaga kaya siya ang nag-alaga rito.
Dahil sa pagmamalasakit ni Amil, inamin ni Jinly na nahulog ang loob niya rito.
“Nagkukuwentuhan lang po kami. Doon ko po naano… kinikilig po nu’n kaya masaya po,” sabi ni Jinly.
“Noong sinagot ako ni Jinly, ay parang nakuwan ako, na-in love ako,” sabi ni Amil.
“Kung doon kasi ako mapunta sa bata, parang hindi ko kaya. Kasi po, naglalasing. May bisyo po. [Pero kapag may edad] maaalagaan po niya ang pamilya niya. Hindi niya po gutumin,” paliwanag naman ni Jinly.
Makaraan ang ilang buwan matapos maging magkarelasyon, nagpakasal na sina Amil at Jinly.
“Basta ang totoo ay nagmamahalan po kami. Parang nakahanap po ako ng magulang sa kaniya,” sabi ni Jinly.
Noong una, hindi inakala ni Amil na magkakaanak pa sila dahil sa akala niya na hindi na maganda ang kaniyang semilya.
At mula noong maging ama, nagdoble-kayod si Amil. Ngunit dahil na rin sa kaniyang edad, ramdam niyang unti-unti na siyang humihina.
“Yung hindi ko kayang trabahuhin, tinulungan niya ako. Mas aktibo si Jinly kasi mas bata pa man siya. Malakas pa 'yung katawan niya,” sabi ni Amil.
Para sa behavioral psychologist na si Dr. Raul Gaña, hindi maituturing na "alarming" ang pagkahulog ng loob ng dalaga sa lalaking sobrang laki ang tanda sa kaniya.
“Hindi natin siya nakikitang alarming. Kasi walang masama roon sa intention nila pareho. At that time, 18 'yung babae. Naging mutual 'yung kanilang relasyon,” paliwanag ni Gaña.
“Sa pagtingin ng lipunan kasi, ang pag-aasawa, halos magkaedaran. Kaya ‘pag mahaba, malayo ang agwat, medyo hindi katanggap-tanggap ng lipunan. But still, when both parties are in the right frame of mind, alam nila kung ano ang kahihinatnan. Tunay na pag-ibig ‘yun. Sino tayo para mag-judge sa kanilang pagmamahalan,” sabi naman ng sociologist na si Dr. Gerald Abergos.
Aminado naman si Jinly na hindi niya maiwasan kung minsan na matakot na baka mawala si Amil.
"Ingatan niya lang 'yung sarili niya. Hindi ko gusto kung mawala siya,” mensahe ni Jinly sa asawa.
"Mag-ipon lang para sa kinabukasan nila. Magtrabaho ka, magtanin ka. Kung magbunga ‘yan, para rin sa kanila,” sabi ni Amil tungkol sa kaniyang pag-aalaga kay Jinly at mga anak. -- FRJ, GMA Integrated News