Nauwi sa kilabot ang tahimik na gabing roadtrip ng isang magtiyuhin sa Gapan bypass road nang may biglang sumulpot sa gitna ng daan na tila babaeng nakaputi sa gitna ng kalsada at bigla rin umanong nawala.
Sa video ng "FYP" ng GMA Public Affairs, ikinuwento ni Jay Mar na naisipan nila ng kaniyang pamangkin na mag-roadtrip habang naghahanap ng makakakain.
Dahil halos isang taon pa lang kabubukas ng Gapan bypass road, doon nila naisipan dumaan dakong 7:00 p.m.
At ang mapayapa nilang biyahe, biglang nabulabog na may kasamang kilabot nang may sumulpot na pigura sa gitna ng kalsada na tila babaeng nakaputing kauotan, at mahaba ang buhok.
Sa kuha ng dashcam, sinabi ni Jay Mar na tila nakatitig pa sa kaniya ang babae nang kaniyang iwasan at madaaanan.
Ayon kay Jay Mar, mabuti na lang na nailiko na kaagad niya ang sasakyan kaya hindi nahagip ang tila babae na bigla rin daw nawala.
"Medyo nakakakilabot siya kasi hindi ko talaga alam kung tao ba siya o ano. Kaya yung pinost ko na kung sino ka mang babae ka, kung tao ka ba o maligno ka, bakit ka nandyan sa may gitna ng kalsada at madilim na lugar," sabi ni Jay Mar.
Hindi na raw sila bumaba ng sasakyan dahil sa pangamba na baka modus lang ang lahat at baka may ibang kasamahan ito kung tao man ang biglang sumulpot sa gitna ng kalsada.
May nagsasabi naman na taga-barangay na mayroon daw talagang babae na pagala-gala sa kalsada nang gabing mangyari ang kababaglan kay Jay Mar.
Ngunit hindi makumpirma ng mga awtoridad kung ito rin ba ang nakita talaga ni Jay Mar.
Pero para kay Jay Mar, ang mahalaga ay walang nasaktan nang gabing iyon. Mas nag-aalala raw siya kung totoong tao ang nagpakita sa gitna ng kalsada dahil maaaring madisgrasya ito.
Nang ipasuri naman sa video expert na si JC Lamsen ang nakuhanan sa dashcam, naniniwala siya na tao at hindi elemento o kaluluwa ang nakita ni Jay Mar. Panoorin ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News