Nagtamo ng mga sugat at galos ang isang babaeng dalawang-taong-gulang matapos siyang biglang sakmalin ng isang aso sa labas ng bahay sa Calasiao, Pangasinan. Ang insidente, nahuli-cam.
Sa ulat ni Jerick Pasillo sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, ipinakita ang CCTV footage habang naglalakad ang biktima sa isang eskinita sa Barangay Lasip nang biglang sumulpot ang aso sa harapan at sinalmal ang bata.
Nawalan ng balanse ang bata kaya patalikod siyang natumba at pinaibabawan siya ng aso na hindi rin kaagad nilubayan ang biktima.
“Noong dumating kami galing trabaho, ni-report po agad sa akin yung nangyari sa anak ko. May mga sugat at galos nga po sa ulo,” ayon sa ina ng bata.
Nakihati naman daw sa gastos sa pagpapabakuna ng anti-rabies sa bata ang may-ari ng aso.
Pinuntahan din ng mga tauhan ng Calasiao-Municipal Health Office ang bahay ng biktima para alamin ang kalagayan ng bata.
“Noong nakausap natin ang pamilya, nahugasan naman agad nila ng sabon [yung sugat]. Yun po ang unang importanteng gawin,” sabi ni Jierzon Baldueza Quinto, Head Nurse ng MHO- Calasiao.
Noong Oktubre, nakapagtala umano sa bayan ng 365 animal bite cases, ayon sa MHO.
Ang opisyal ng barangay, paiigtingan umano ang kampanya laban sa mga pagala-galang aso sa kanilang lugar.
"Nagpapabili na po ako ng mga kagamitan kung paano yung paghuli sa aso na pagala-gala. Para wala nang makagat," sabi ni Barangay Lasip chairman Dante Fernandez.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Arcely Robeniol, Pangasinan Provincial Veterinarian, na natural sa mga hayop ang maging mapaglaro kaya kailangang mabantayan ang mga ito.
"Meron tayong tinatawag na provoked and unprovoked. 'Yung provoked, yung possible na nasaktan n'yo siya or chini-chase mo siya. Yung unprovoked naman, 'yung dumaan ka lang, bigla ka niyang sinakmal," paliwanag niya.
Samantala, sinusubaybayan naman ang kalusugan ng mga residente na napag-alaman na kumain sa karne ng aso na kinatay matapos ang insidente.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) 10631 o ang "Amendment to the Animal Welfare Act of 1998," bawal na patayin at kainin ang karne ng aso. -- FRJ, GMA Integrated News