Taliwas sa kaniyang karakter na si Shaira sa "Asawa ng Asawa Ko" na handang manakit ng iba para sa sariling kaligayahan, inihayag ni Liezel Lopez ang matinding pagkainis sa mga cheater o taksil sa relasyon.

Sa panayam sa kanila ni Arra San Agustin sa isang episode ng "Artistambayan," sinabi ni Liezel na hindi marunong mag-appreciate ng blessing sa kanilang harapan ang mga nagtataksil.
 
"Yung gumagawa ng cheating 'yan yung hindi naa-appreciate yung blessing na nasa harapan nila," anang aktres. "I think, magsisisi rin 'yan sa huli. Sa huli talaga ang pagsisisi."

Umaasa si Liezel sa mga cheater na isang araw ay magigising ang mga ito at titigilan nang manakit ng ibang tao.

"Sana one day magising sila na, 'tama na huwag na kayong manakit ng tao. Kung ayaw niyo [na sa karelasyon] iwanan ninyo na lang," saad ng aktres.

Samantala, sinabi naman ni Arra na insecure sa sarili ang mga cheater.

"Feeling ko insecure sila sa sarili nila. Kasi parang hindi sila kontento so hanap sila nang hanap ng iba," sabi ni Arra.

Ipinayo naman ni Liezel na niya na dapat magkaroon ng self-love ang isang tao at abutin ang kanilang pangarap.

"If you don't love yourself you can't love anyone around you," sabi pa ni Liezel. "Chase your dream go shine."

Kasabay nito, inihayag ni Liezel na naniniwala siya sa pagbibigay ng second chance.

"Kung ang Diyos nga nagpapatawad siyempre tayo din maging forgiving din tayo. Pero siyempre 'wag naman sanang pinatawad mo na tapos uulitin pa," paliwanag niya.-- FRJ, GMA Integrated News