Si AiAi delas Alas ang guest sa nakaraang episode ng "My Mother, My Story" ni Boy Abunda nitong nakaraang buwan. Pero may mga nakapansin na hindi binanggit ng aktres sa naturang panayam ang kaniyang mister na si Gerald Sibayan kaya may mga napatanong kung hiwalay na nga ba ang mag-asawa.
Sa episode ng "Fast Talk with Abunda" nitong Biyernes, sinabi ng King of Talk na manggagaling mismo sa Comedy Queen ang pahayag tungkol sa estado ng pagsasama nila ni Gerald sa naturang talk show sa Lunes, November 11.
Bukod sa hindi nabanggit ni AiAi si Gerald sa guesting niya sa "My Mother, My Story," naging makahulugan din ang sagot ng aktres nang tanungin ni Tito Boy tungkol sa kung ano ang kaniyang kinatatakutan.
"Ang una niyang sinabi ay natatakot siyang mag-isa pero 'pag dumating man ang oras na 'yun, 'palagay ko kaya ko na,'" pag-alaala ni Tito Boy sa naging sagot ng kaibigan niyang si AiAi.
Sinabi pa ni Tito Boy, na may mga nakapansin din na may lungkot sa mga mata ni AiAi sa naturang episode ng kaniyang programa.
Ikinuwento rin ng King of Talk na may nagtanong sa kaniya kung hiwalay na nga ba sina AiAi at Gerald nang magbakasyon siya noon sa Amerika.
"Ang sagot ko po ay hindi ko alam at 'yon po ang totoo nung ako'y nasa U.S. Hindi ko talaga alam, pero sabi ko tatanungin natin dahil hindi lamang po artista ang turing ko kay Aileen, siya po ay pamilya. She is family to me," saad ni Tito Boy.
Nakatakdang ipagdiwang ni AiAi ang kaniyang ika-60 taong kaarawan sa "Fast Talk with Boy Abunda" sa Lunes, at dito itatanong ni Tito Boy sa kaibigan kung ano ang tunay na kalagayan ng pagsasama nila ni Gerald.
"Kailangan ma-address ang katanungang ito. May mga nag-i-insist na hiwalay na, may mga nagsasabi naman na baka away mag-asawa lamang, may mga nagsasabi namang hindi totoo. Malalaman niyo po ang totoo dito sa 'Fast Talk with Boy Abunda,'" ayon kay Tito Boy.
Hindi naging problema noon kina AiAi at Gerald and malaking agwat ng kanilang edad. Ikinasal ang dalawa noong 2017, at nagpakasal muli sa Las Vegas noong 2022.
Nitong nakaraang Abril, ipinagdiwang nila ang ika-10 taon ng kanilang pagiging mag-asawa.
Mapapanood ang "Fast Talk with Boy Abunda" mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 4:45 p.m. sa GMA 7 pagkatapos ng "Forever Young". — FRJ, GMA Integrated News