Mag-iisang buwan na sa ICU sa isang ospital sa Palawan ang isang 13-anyos na babae pero hindi pa umano naibibigay ang tamang gamot para sa kaniyang pambihirang karamdaman dahil sa kawalan ng sapat na pera ng pamilya, na nananawagan ngayon ng tulong.
Sa GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento ng kaanak ng pasyenteng si Karen Mendoza, na hindi nila inakala na ang sakit na nagsimula sa simpleng ubo at sipon ay indikasyon pala ng isang malubhang sakit.
Ayon kay Mary Ann Castillo, tiyahin ni Karen, mula sa ubo at sipon ay hindi bumuti ang lagay ng pamangkin at nadagdagan pa ang iniinda ng dalagita.
"Napansin po ng tatay niya na parang nahihirapan siyang tumayo, nanginginig yung kaniyang legs. And then po sumunod na araw, nagsarado na yung left eye niya," ani Mary Ann.
Nang isailalim sa mga pagsusuri mula sa iba't ibang ospital, napag-alaman na tinamaan ng Guillain-Barre syndrome o GBS si Karen, isang kondisyon na inaatake ng immune system ang nerves sa katawan ng pasyente.
Nagdudulot ito ng pamamahanhid at pagkaparalisa.
Hindi pa batid ang pinagmumulan ng pambihirang sakit na ito. Pero batay sa pag-aaral, nagkakaroon ng respiratory o gastrointestinal infection ang mga tinamaan ng ganitong sakit, anim na linggo bago maramdaman ang mga sintomas ng GBS.
Kabilang sa sintomas ng GBS ang panghihina ng mga binti, hirap sa paghinga, at hindi maigalaw ang facial muscles.
Walang gamot sa GBS pero may mga treatment para matulungan ang pasyenteng maka-recover ngunit may kamahalan na halos P800,000.
Bagay na hindi kaya pamilya ni Karen. Kaya mula umano nang ma-confine, hindi pa umano naibibigay ang nararapat na gamot para sa dalagita.
Sa ngayon, nagsu-survive umano si Karen sa tulong ng secondary medicines sa ICU.
"Hindi po namin kaya dahil hindi namin maibigay yung gamot. Yung partial payment na P200,000 parang hinihintay na lang namin siyang mamamatay kasi hindi pa po siya naibibigay," ayon kay Mary Ann.
"Kumakatok po kami sa puso ng bawat isa na may kakayanan pong magbigay through prayers and financially po, na sana po ma-save namin ang buhay ni Karen," panawagan niya. -- GMA Integrated News