Pinaghahandaan na ng isang 92-anyos na lolo sa Palanas, Masbate ang kaniyang kamatayan. Para makatipid sa gastos ng kanilang libing, siya na mismo ang gumawa ng kaniyang ataul.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita pa ni Lolo Sayling ang ginawa niyang kabaong na kaniya pang hinigaan para ipakitang kasya siya.
Napag-alaman na eksperto si Lolo Sayling sa paggawa ng ataul dahil sadyang gumagawa siya nito.
Ang ataul daw ng kaniyang lolo, siya rin ang gumawa noong namatay ito.
"Naglagare kami ng gabi. Wala pa noong chainsaw, mano-mano lang kami. Trinabaho namin ng gabi dahil 'pag umaga, ililibing na siya," kuwento niya.
Nalaman ni Lolo Sayling ang malaking gastos sa pagpapalibing nang pumanaw ang kaniyang asawa noong 2017. Dahil ayaw niyang maging pabigat sa kaniyang anak na si Willy na may sarili nang pamilya, naisip niyang gumawa na lang ng kaniyang ataul.
"Nahirapan kami dahil walang-wala kami. Presyo ng kabaong ng aking asawa ay P35,000 nung binili ko," ayon kay Lolo Sayling.
Ang kahoy na ginamit niya sa paggawa ng ataul, ang puno ng mahogany na siya rin ang nagtanim noong 30-anyos pa lang siya.
"Nang pagtanim ko, naisipan ko na talaga na 'pag lumaki ito, gagawin ko itong kabaong para sa sarili ko. Singkwentang taon ko itong inalagaan," saad niya.
Hindi rin daw takot si Lolo Sayling na humiga sa ataul.
"Hindi naman ako natatakot na nakahiga ako sa kabaong. Salamat naman kasi 'yung ginawa kong kabaong ay sakto naman sa akin," sabi niya.
Natatawa ring sinabi ni Lolo Sayling na puwede ring gamitin ng iba ang kaniyang ataul kapag naghiwa-hiwalay na ang katawan niya.
Nakahanda na rin sa ataul ang damit na isusuot sa kaniya kapag pumanaw siya.
"Ito ang damit ko nung kinasal kami at ito rin 'yung isusuot ko kapag namatay na ako dahil maayos pa naman. Kasya pa naman," sabi ni Lolo Sayling.
May P1,000 din na nakalagay sa bulsa para ipambayad sa pari para sa misa.
Handa na rin ang lugar sa sementeryo na paglilibingan niya.
"Andito ang aking asawa pati ang aking mga kapatid. Ang aking ina dito din," dagdag niya.
At ang kanta sa kaniyang libing, ginawa rin ni Lolo Sayling.
"Pakatapos kong gumawa ng kabaong, sinulat ko na kaagad. Nasa kanta ko 'yung hirap at kung ano 'yung nadatnan ko doon hanggang mamatay na ako. Sinulat ko para kantahin nila kung namatay na ako kasi 'di naman ako makakanta dahil patay naman, kaya basahin na lang nila," paliwanag niya.
Sa kaniyang paghahanda sa kaniyang pagpanaw, tiwala si Lolo Sayling na kahit papaano ay magiging masaya ang kaniyang pamilya kahit mawala na siya.
"Wala silang problema, masaya sila," ani Lolo Sayling. "Ang iiyakan lang nila ay pagkawala ko lang. Hindi sila iiyak dahil sa paghingi ng tulong para sa akin. Tutulong na lang sila maghatid papunta sa libingan."
Ayon kay Lolo Sayling, hindi siya takot mamatay dahil na rin sa tagal nang inilagi niya sa mundo.
"Kuntento na ako sa aking buhay kasi matagal naman na ako dito. Naranasan ko na ang lahat dito sa mundo. Kasiyahan man o mga pasakit. Gusto ko na din na kunin na ako. 'Pag kinakausap ko ang aking asawa, inaawitan ko siya na kunin na ako," pahayag ni Lolo Sayling na mag-isang naninirahan sa kaniyang bahay dahil may sariling pamilya na ang anak niyang si Willy na nasa Manila.
Tungkol sa kaniyang kalusugan, sinabi ni Lolo Sayling na mayroong siyang hypertension pero may iniinom siyang gamot.
Para makausap ang anak na si Willy, nakikigamit si Lolo Sayling ng telepono kay teacher Alona. Ang hindi niya alam, dadalawin siya ng kaniyang anak na hindi napigilang maiyak sa ginagawang paghahanda ng kaniyang ama sa kamatayan nito. Panoorin ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA Integrated News