Nagtamo ng 25 injuries ang dating One Direction singer na si Liam Payne na pumanaw nitong Huwebes matapos mahulog mula sa ikatlong palapag ng tinutuluyan niyang hotel sa Buenos Aires, Argentina

Sa Chika Minute report sa GMA News 2 Oras nitong Biyernes, sinabing nagtamo rin ng matinding sugat sa ulo si Liam, batay sa autopsy report na inilabas ng Argentine authorities.

Ang mga sugat at pinsala na tinamo ni Liam ay consistent umano sa injuries na may kinalaman sa pagkahulog, ayon sa mga awtoridad.

Lumabas din sa imbestigasyon na mag-isa lang si Liam sa kuwarto nang mangyari ang insidente. May indikasyon umano na nakaranas ng "episode" ang singer dahil umano'y substance abuse nito.

Napinsala rin umano ang ilang gamit sa loob ng kuwarto, at may nakitang hinihinalang droga at alcohol.

Nandoon din ang isang cellphone, lighter, energy packs, at anxiety medication.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Liam.

Nitong Huwebes, naglabas ng pahayag ang One Direction, at nakasaad na "completely devastated" ang mga miyembro nito dahil sa nangyari kay Liam.

Kabilang sa mga dating miyembro ng banda sina Harry Styles, Zayn Malik, Louis Tomlinson, at Niall Horan. — FRJ, GMA Integrated News