Kalunos-lunos ang sinapit ng isang bata na apat na taong gulang na nasawi matapos mabagsakan ng bakal na bakod sa Cebu. Sa mga katulad na insidente, sino nga ba ang dapat managot? Alamin ang paliwanag ni Atty. Gaby Concepcion.
Sa segment na "Ask Atty. Gaby" sa GMA show na "Unang Hirit," ipinakita ang video footage sa nangyaring insidente na nahuli-cam sa Pasil Fish Port sa Cebu City.
Makikita ang batang biktima na nakatayo sa gilid ng bakal na bakod, habang may isa pang bata na nasa kabilang bahagi ng bakod.
Umakyat umano ang isang bata sa bakod na dahilan para matumba ang bakod at nadaganan ang batang biktima na kinalaunan ay nasawi dahil sa tinamong pinsala sa katawan dahil sa bigat ng bakal.
Sino nga ba ang puwedeng managot sa mga ganitong insidente lalo na kung may nasawi?
Ayon kay Atty. Gaby, kahit may nasawi, hindi umano sa lahat ng pagkakataon ay may mananagot, gaya nang nangyaring pagbagsak ng bakal na bakod na lumalabas na isa ring menor de edad o bata ang sangkot.
Paliwanag ni Atty. Gaby, nakasaad sa batas na walang pananagutan o criminal liability ang mga menor de edad na 15-anyos pababa.
Gayunman, kahit na maituturing na aksidente ang isang pangyayari, may mga sitwasyon o pagkakataon din naman na kung mayroon pagpapabaya at menor de edad ang sangkot, maaaring ang mga magulang nila ang posibleng managot sa civil liability for damages o danyos para sa pinsalang nagawa ng anak.
Ano naman kaya ang sinasabi ng batas tungkol sa katulad na insidente na nangyari sa India na isang babae ang nabagsakan naman ng tangke ng tubig? Alamin ang paliwanag dito ni Atty. Gaby sa video. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News