Ibinahagi ni Jennica Garcia sa press conference ng "Hello, Love, Again" ang kasiyahan niya na makasama sa pelikulang pinagbibidahan ni Alden Richards at Kathryn Bernardo. Dito, ikinuwento rin niya ang "hiya" nang malaman na hindi siya "kilala" ng kanilang batikang direktor na si Cathy Garcia-Sampana.
Sa naturang press conference na ginanap nitong Huwebes, inihayag ni Jennica na nakaramdam din siya ng kaba nang malaman na kasama siya sa cast ng "Hello, Love, Again."
May ginagawa pa umano siyang isang proyekto noon at iniisip niya na mawawalan siya ng tulog masyado kapag pinagsabay pa ang pelikula. Pero mas nangibabaw ang pakiramdam ng blessing at kasiyahan na maiderek ni Cathy kaya kailangan na hindi siya maging "sabaw."
"Inisip ko bawal kang 'sabaw' kasi Direk Cathy 'to. Parang sobrang blessing na napasama ka pa diyan," saad ng aktres.
At sa unang pagkakataon na nagkita sila ng direktor, tinipon daw ni Jennica ang kaniyang lakas ng loob para hindi siya mahiya.
Iniisip umano ni Jennica na hindi naman papayag si direk Cathy na makasama siya sa cast kung wala itong tiwala sa kaniya.
"Ang unang linya sa akin ni Direk Cathy, 'Anak pasensiya ka na hindi kasi kita kilala.' Ohhh!," natatawang kuwento ni Jennica. "Uuwi na ko sa Pilipinas! Paano matanggal yung hiya ko nito."
Gayunman, sinabi ni Jennica na sobrang mabait ang direktor at naging spontaneous lang talaga ang kanilang pagkikita.
"Yung presence of mind mo dapat talaga nandoon kasi mabilis. Kapag may ibinigay na instruction, makinig ka talaga," dagdag pa ng aktres.
Pero nilinaw ni Direk Cathy ang tungkol sa hindi niya "kilala" si Jennica, na anak ng batikang aktres na si Jean Garcia.
"Gusto ko lang i-qualify yung hindi kita kilala," nangingiting paliwanag ng direktor. "What I meant was hindi ko kilala ang acting capabilities mo (kasi hindi pa sila nagkakatrabaho). I dont know kung funny ba siya, dramatic actress, can she do comedy. So I really have no idea."
Ayon kay Direk Cathy, binuo niya ang karakter na ginampanan ni Jennica habang ginagawa nila ang pelikula.
"So I was wacthing her. At that time hindi ko pa alam, hindi ko pa alam ang gagawin ko sa kaniya. We develop the character as we went along cause I don't know how much she can do it," patuloy ng direktor.
Kaya isa ang karakter ni Jennica sa mga dapat na abangan sa "Hello, Love, Again" na mapapanood na sa mga sinehan simula sa November 13, 2024.-- FRJ, GMA Integrated News