Maraming artista ang muling sasabak sa Eleksyon 2025. Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, tinanong si Marian Rivera kung ano ang kaniyang iniisip sakaling dumating ang panahon na kumandidato rin ang mister niyang si Dingdong Dantes.

"Ay, hindi ako ready dito ha [sa tanong]," natatawang panimulang sagot ni Marian, na bida sa pelikulang "Balota," na patungkol sa sakripisyo ng mga guro tuwing halalan.

Sabi ni Marian, "Isa lang ang palaging nasa isip ko. Mabuting tao kasi ang asawa ko at talagang alam man nila o hindi nila alam, 'yung asawa ko is mahilig tumulong sa kapwa artista niya, sa ibang tao."

Patuloy pa ng Kapuso Primetime Queen, "Alam kong pure 'yong love niya at 'yung pagtulong niya na wala siyang hinihinging kapalit."

Ayon pa kay Marian, isa si Dingdong na naka-impluwensiya sa kaniya kung paano pa mas maging mabuting tao para sa iba at sa sarili.

Taong 2014 nang ikasal sina Marian at Dingdong, at mayroon na silang dalawang anak na sina Zia at Sixto.

Sa Miyerkules, ipapalabas sa mga sinehan ang pelikula ni Marian na "Balota," habang host si Dingdong ng mga Kapuso shows na "Family Feud," "Amazing Earth," at "The Voice Kids Philippines."

Silipin ang ilan sa mga artista at kilalang mga personalidad na sasabak sa Eleksyon 2025:

 

FRJ, GMA Integrated News