Patay ang isang college student matapos siyang pagbabarilin ng dalawang salarin sa Pasig City. Ang motorsiklo na ginagamit niya sa paghahanap-buhay bilang food delivery rider upang matustusan ang pag-aaral at makatulong sa pamilya, tinangay.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Allan Vincent Eugenio, 22-anyos, at isa ring sakristan.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita si Eugenio na ipinaparada ang kaniyang motorsiklo sa tapat ng kaniyang bahay matapos ang trabaho sa Barangay Sumilang noong Lunes ng madaling araw.
Pero habang kinukuha niya ang kaniyang gamit, dalawang lalaki ang lumapit sa kaniya. Ang isa sa mga ito, naglabas ng baril ang malapitang pinaputukan ang biktima.
Nagawa pang makatakbo ni Eugenio pero hinabol pa rin siya ng salarin at pinagbabaril hanggang sa matumba ang biktima.
Matapos bumagsak ang biktima, tinangay ng dalawang salarin ang kaniyang motorsiklo.
Nadinig naman ng kaniyang pamilya ang mga putok ng baril hanggang sa malaman nila na si Eugenio ang biktima, na binawian ng buhay.
Ayon sa pulisya, nasa 10 tama ng bala ng baril ang tinamo ni Eugenio.
"May pangarap yung anak ko para makatulong, tapos sa isang iglap ikaw ang nagtanggal ng buhay ng anak ko," hinanakit ng ina ng biktima.
"Bakit ganun yung ginawa niyo sa anak ko. Kung intensiyon niyo na agawin yung motor lang sana kinuha niyo na lang, bakit pinatay niyo pa," sabi pa ng ginang.
Wala pang isang araw, nadakip ng mga pulis ang mga suspek na edad 19 at 21 na mga residente rin sa ibang barangay sa Pasig.
Ayon sa pulisya, may dati nang mga kaso ang mga suspek kabilang ang carnapping at attempted homicide.
Modus daw ng mga suspek na mang-agaw ng motorsiklo at babarilin ang biktima kapag nanlaban.
Sasampahan ng patong-patong na kaso ang mga suspek, kabilang ang murder.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek at sinabing sa korte na lang sila magsasalita.-- FRJ, GMA Integrated News