Ikinuwento ng StarStruck alumnus at transman na si Jesi Corcuera na naka-apat na subok siya bago nagtagumpay ang artificial insemination na ginawa sa kaniya para mabuntis. Ang sperm donor, isang dayuhan na nasa Pilipinas. Ipakilala niya kaya ito sa kaniyang magiging na anak na isang babae?
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Martes, sinabi ni Jesi na nag-isip siya ng para kung papaano mabuntis dahil sa kagustuhan niyang maging magulang ng sarili niyang anak.
"Iniisip ko paano ko siya gagawin, kasi meron sa isip ko na hindi ko kayang gawin natural way," ani Jesi.
Kasama sa mga ikinunsidera niya ang in vitro fertilization o IVF, na pagsasama ng sperm at egg sa labas ng katawan o bubuuin sa laboratory. Pero hindi raw ito pinapayagan para sa LGBT couples sa Pilipinas kaya hindi natuloy.
Kasama sa mga naunang plano na ang partner niyang si Cams ang magbubuntis. Inabot umano ng tatlong taon ang kanilang pagpaplano, at paghahanda sa kaniyang sarili.
Hanggang sa huli, nagpasya siya na siya na ang magbubuntis sa tulong ng artificial insemination, na may dayuhang donor na nasa Pilipinas.
"Dahil nga planning ako kay baby, kahit wala pa siya, siya agad 'yung iisipin mo agad eh, kung safe ba. Dahil nga ang tagal ko rin nag-hormones since 2012, parang 11 years, iniisip ko nung time na 'yun baka hindi mag-work," saad niya.
Kasama sa paghahanda ni Jesi ang pagtigil sa pag-inom ng hormones at nagpatulong sa endocrinologist.
"Ideally, six months lang 'yung hinihinging normal menstruation na bumalik, pero ako ginawa ko po ng one year para mas sigurado. Pero umabot pa po ng almost one and a half kasi marami pang naging balakid bago ulit magsimula," patuloy niya.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Jesi na may komunikasyon pa sila ng kaniyang sperm donor.
Nang tanungin kung ipapakilala ba niya ang magiging anak niya sa biological father nito, sinabi ni Jesi na nakatuon ngayon ang atensyon niya sa kaniyang pagbubuntis at sa kaniyang pamilya.
"Doon muna siguro pero kung ku-questionin niya in the future, willing naman akong ipakita sa kaniya and i-explain sa kanya kung paano 'yung naging proseso kasi mas maganda pa rin na alam niya," ayon kay Jesi.
Kasama rin umano sa plano ni Jesi na manganak na natural birth, pero dahil sa kaniyang kondisyon sa puso, sa pamamagitan na lang ng caesarean section siya manganganak.
Pitong buwan na ang ipinagbubuntis ni Jesi na isang babae na tinawag niyang "Ninja." Nais ni Jesi na "papa" ang itawag sa kaniya ng kaniyang magiging anak, gaya ng tawag sa kaniya ng mga anak ni Cams.
Naging bahagi si Jesi ng "StarStruck: The Next Level" noong 2006, at kabilang sa mga nakasabay niya sina Kris Bernal, Aljur Abrenica, Paulo Avelino, at Chariz Solomon.—FRJ, GMA Integrated News