Babae ang baby na ipinagbubuntis ng "StarStruck" alumnus at transgender man na si Jesi Corcuera.

Ibinahagi ito ni Jesi nang maging panauhin sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda" nitong Martes.

Ayon kay Jesi, binigyan niya muna ngayon ng nickname na "Ninja" ang paparating niyang baby.

BASAHIN: StarStruck alumnus at transman na si Jesi Corcuera, buntis sa kaniyang first baby

“Noong nalaman ko na buntis na ako, namili kami kaagad ng gamit. Tapos hindi ko alam ‘yung tawag doon sa baru-baruan. Ang tingin ko doon parang damit ng Ninja. So, sabi ko, ano ba ‘yung pang-Ninja na damit?,” kuwento ni Jesi.

Inilahad din ni Jesi ang dahilan kung bakit gusto niyang magkaroon ng sariling anak, bukod sa mga anak ng kaniyang partner na si Camille.

“May pagkakataon kasi na hindi ko naiintindihan si Camille as a parent. Parang may mga times na nagseselos ako. Isa ‘yon sa reason. And kapag tumatanda ka na natatakot kang maging mag-isa," saad niya.

Sinabi rin ni Jesi na nabuntis siya sa pamamagitan ng artificial insemination at itinigil niya ang pag-inom ng hormones para ihanda ang kaniyang katawan sa pagbubuntis.

Nitong Sabado inilahad ni Jesi sa Instagram post na buntis siya.

Naging bahagi si Jesi ng "StarStruck: The Next Level" ng GMA Network noong 2006. Kabilang sa batchmates niya sina Kris Bernal, Aljur Abrenica, at Chariz Solomon.—FRJ, GMA Integrated News