Magkakasamang naghain ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) ang mag-iinang Vilma Santos-Recto, at mga anak niyang sina Luis Manzano at Ryan Recto, para tumakbo sa magkakaibang posisyon sa Batangas sa Eleksyon 2025.

Si Vilma na dating kongresista ng Batangas, tatangkain na makuha muli ang posisyon bilang gobernador ng lalawigan na dati niyang hinawakan mula 2007 hanggang 2016.

LOOK: Ilan sa mga celebrity at kilalang personalidad na sasabak sa Eleksyon 2025

Si Luis ang kaniyang magiging running mate, o tatakbo sa posisyon bilang vice governor.

Habang si Ryan ang kakandidatong kongresista para sa ika-anim na distrito ng Batangas, na dati ring posisyon ng kaniyang ina.

Tatakbo ang mag-iina sa ilalim ng Nacionalista Party (NP) ni dating Senador Manny Villar.

Kasama nina Vilma, Luis at Ryan nang maghain ng COCs ang kanilang padre de pamilya na si Finance Secretary Ralph Recto, at ang asawa ni Luis na si Jessie Mendiola.— mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News