Magkahalong kilig at saya ang naramdaman ng mga manonood ng "It's Showtime" nang makasama ni Ogie Alcasid sa segment na "Kalokalite" ang kabiyak niyang si "Regine Velasquez."

Napatahimik si Ogie nang ipinakilala na ang kalahok na si Zaragine Capalad, ang impersonator at Regine Velasquez ng Muntinlupa.

"Hi, Honey. Araw-gabi you know that I love you so much. And to our boo boo bear at home, diyan ka lang work lang kami ni dad," sabi ni "Regine."

Nang lumapit na ang mga host kay "Regine," tila nahihiya si Ogie na tabihan ang kaniyang "misis."

"C'mon, honey," sabi ni "Regine" kay Ogie na natatawa sa kaniyang sitwasyon.

"Nag-away kasi kami. Ang tindi ng away namin. Sabi namin hindi kami mag-usap two years," biro ni Ogie.

Kaya naman daw bumisita si "Regine" sa show si Ogie para sorpresahin.

Pero naghawakan din naman ng kamay ang dalawa at nagyakapan pa.

"Ang galing niya. Ang galing-galing niya at saka 'yung boses pati 'yung 'wooah'," sabi ni Ogie kay Zaragine.

Pero bukod sa ka-look-alike ni Regine, may isa pang nagpatawa kay Ogie nang ipakilala ang isa pang kalahok na gumaya naman sa isa niyang karakter sa "Bubble Gang"-- si "Boy Pick-Up" ng Sampaloc, Manila.

Ano naman kaya ang masasabi ni Ogie tungkol sa kaniya? Panoorin.

--FRJ, GMA Integrated News