Isang 12-anyos na babaeng estudyante ang nasugatan matapos saksakin at agawan ng cellphone ng isang lalaki habang nakaupo sa waiting shed sa Tarlac City.
Sa ulat ni CJ Torida ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay San Vicente noong gabi ng September 25, 2024.
Sa kuha ng closed circuit television (CCTV) camera, makikita na nakaupo sa waiting shed at gumagamit ng cellphone ang biktima nang tumabi sa kaniya ang suspek.
Biglang sinaksak ng suspek ang estudyante at inagaw ang kaniyang cellphone at tumakas.
"Initially, lumapit nga daw ‘yung suspek sa kaniya, palakad-lakad. Then tinabihan siya. Bigla na lang siyang sinaksak. After that, dinampot ‘yung cellphone niya," ayon kay Police Lieutenant Colonel Sean Logronio, hepe ng Tarlac City Police Station.
Nakaligtas ang biktima na nagtamo ng sugat sa ginawa ng suspek.
Sa tulong ng kuha ng CCTV, natukoy ang suspek at naaresto ng mga awtoridad.
Nakuha sa kaniya ang screwdriver na ginamit na panaksak at ang cellphone ng biktima.
Inamin umano ng suspek sa pulisya ang krimen na nagawa umano niya para magbayad ng utang.
Mahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide in relation to RA 7610 at robbery.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News