Dalawa ang nasawi--kabilang ang isang barangay tanod-- matapos silang barilin ng dalawang lalaki na inawat sa pagbirit sa videoke session sa isang residential area sa Barangay Sauyo sa Quezon City nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing residente sa lugar ang isa pang nasawi, isang tanod naman ang nasugatan sa insidente.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pinapatigil na ng mga tanod ang dalawang suspek sa pagbi-videoke pero nakipagtalo ang mga ito hanggang sa humantong sa pamamaril.
Nakatakas ang dalawang suspek pero nasakote sila sa follow-up operation ng Quezon City Police District habang nasa isang hotel sa Barangay Payatas sa Quezon City din nitong Miyerkoles.
Kasamang dinakip ng mga awtoridad ang ka-live in ng isa sa mga suspek dahil sa pagtulong umano nito na makapagtago ang dalawa.
Nakuha sa mga suspek ang isang baril at mga bala na hinihinalang ginamit sa krimen.
Napag-alaman ng pulisya na may kinakaharap na kasong murder at homicide sa Regions 1 at 3 ang mga suspek.
“This duo is considered as very dangerous persons. Good things hindi sila binitiwan ng ating operatiba, hindi kami tumigil, nagpuyat kami dito,” ayon kay QCPD Director Police Brigadier General Redrico Maranan.
Kinilala ang nasawing tanod na si Cornelio Nuval Jr., na tinamaan ng bala sa likod na tumagos sa baga.
“Sobrang bait po ng tatay namin wala pong record na hindi maganda. Tinanggalan niya po kami ng haligi ng tahanan,” hinanakit ng anak ni Nuval.
Ang isa sa mga suspek, inamin na may hidwaan sila sa barangay dahil sa pinag-iinitan umano sila pagdating sa pagbi-videoke.
“Away kalye lang po sir. Dahil kasi yung barangay doon biased po kasi sir, kami 'pag sinisita sa videoke pinapatay agaran. Kapag sa iba hindi nila masita-sita,” ayon sa suspek.
Itinanggi naman ng isang opisyal ng barangay ang katwiran ng suspek at ipinaliwanag na pinagsasabihan lang nila ang mga nagbi-videoke pero hindi sila nagpapatay.
Lumabas din umano sa imbestigasyon ng pulisya na guns for hire ang mga suspek kaya aalamin nila kung may tinatarget bang biktima ang mga ito kaya nasa lungsod.-- FRJ, GMA Integrated News