Patok ngayon sa ilang kainan ang mga putok-batok na crispy ulo ng baboy na ang iba, sa sobrang lambot ay kaya nang hiwain gamit ang paper plate at plastic spoon. Pero babala ng eksperto, huwag lalabis sa pagkain nito.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing isa sa mga kilalang nagtitinda ng crispy ulo ay nasa Valenzuela na specialty ng mag-asawang sina Mark Paulo Antonio at Ana.
Hindi lang malutong ang kanilang crispy ulo, kundi sa sobrang lambot, puwede nang hiwain gamit lang ang paper plate o plastic na kutsara at tinidor.
Ginagamitan ito ni Antonio ng blowtorch para maaalis ang mga balahibo bago babalutin sa katsa para maging intact at mahahango pa rin nang buo.
Matapos nito, pakukuluan ang ulo ng baboy sa kaldero na sinamahan ng mga sikretong pampalasa sa loob ng limang oras.
Pagkahango, pinahanginan ang ulo ng baboy saka isinalang sa kumukulong mantika.
Upang hindi mawala ang lutong, inilagay nila ito agad sa paper plate at brown paper.
Nabibili ang ulo ng baboy sa halagang P800 hanggang P1,100, depende sa laki.
Umisip sila ng pakulo para patunayang tunay na malambot ang crispy ulo.
“Nag-iisip kami ng pakulo ng misis ko. Kailangan makita nila kung gaano kalambot. ‘Try kaya natin plastic spoon?’ Doon po nagsimula na ‘yung video na ‘yon,” kuwento ni Antonio.
Nang pumutok ang kanilang putok-batok na crispy ulo ng baboy, nakakabenta ang mag-asawa ng 60 na piraso kada araw at kumikita ng hanggang P100,000 kada linggo.
Napaayos na rin nila ang kanilang tindahan, at nakatulong pa sa pagpapagawa ng bahay ng kanilang mga magulang.
Isa namang pinakamatandang restaurant sa Pasay City ang itinuturing nang institusyon pagdating sa crispy ulo ng baboy, na ipinatayo noon pang 1940s.
Ayon kay Wyn Mar Sy, may-ari ng restaurant, late 90s o 2000s na nang isama nila sa menu ang crispy ulo ng baboy, na mabenta tuwing may mga binyagan at inuman.
Walang pumapansin nito noon, at walang halos bumibili. Hanggang sa kumalat sa Pasay ang balita na malutong at masarap ang kanilang crispy ulo.
Nasa 200 crispy ulo raw ang naibebenta nila kada araw.
Sa Las Piñas City naman, madalas napagkakamalang “ulo ng dinosaur” ang mabenta ring ulo ng baka, na inaabot ng mahigit 10 oras sa paghahanda.
Hindi hamak na mas kakaunti ang taba nito, ayon sa isa sa mga nagbebenta nito na si Andrew Villavert.
Pagkababad ng dalawang oras sa kanilang special secret marinade, ipapasok na ito sa freezer.
Pagkalabas, tradisyunal nila itong tinatapat sa electric fan para matunaw dahil hindi basta puwede ilagay sa pressure cooker.
Saka ito isasalang sa pressure cooker sa loob ng limang oras, bago ipiprito sa kumukulong mantika.
Pero paalala ng nutritionist dietician na si Regine Gladys M. Uy, RND, hinay-hinay lang sa pagkain ng mga crispy ulo.
“Makukuha natin siya is high protein. Pero kasi once na sumobra ka magkakaroon ka ng saturated fat especially po sa ulo kasi more on balet na ‘yung makukuha mo roon," paliwanag niya.
"Magkakaroon tayo ng mga cardiovascular diseases kasi mag-elevate ‘yung mga cholesterol level natin, tataas ‘yung blood pressure mo. So puwede kang mag-lead ng stroke. Okay lang naman kumain pero dapat occasionally lang,” dagdag ni Uy.-- FRJ, GMA Integrated News