Lumabas na ang "hatol" ng mga kongresista sa pondong ibibigay sa Office of the Vice President (OVP) ni Sara Duterte para sa 2025, na nakapaloob sa P6.352-trilyon na panukalang budget ng gobyerno sa 2025 na inaprubahan na ng Kamara de Representantes nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa isinagawang botohan para sa ikatlo at huling pagbasa sa naturang 2025 national budget sa ilalim ng House Bill No. 10800, 285 na kongresista ang bumoto pabor dito, at tatlo lang ang tumutol.
Kasama sa inaprubahan ng mga kongresista na nakapaloob sa naturang budget ang pondong inilaan sa OVP na P733 milyon, na mas mababa ng P1.2 bilyon mula sa orihinal na hinihingi ng tanggapan na mahigit P2 bilyon.
Una rito, sinabi ni Speaker Martin Romualdez na dedesisyonan ng mga kongresista kung ano ang gagawin sa pondo ng OVP matapos na hindi dumalo sa mga pagdinig si Duterte para idepensa at ipaliwanag kung bakit hindi dapat bawasan ang pondo ng kaniyang opisina.
Gayunman, nagpadala na noon si Duterte ng sulat sa mga mambabatas na nagsasaad na ipapaubaya na niya sa mga kongresista ang pasya tungkol sa pondo ng OVP.
Inihayag din niya na pagkakasyahin na lang nila sa OVP kung ano man ang pondo na ibibigay sa kanila ng mga mambabatas.
Nitong Martes, naglabas ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na sinisertipikahan niyang "urgent" ang pagpasa ng 2025 budget. Dahil dito, nagawa ng Kamara na ipasa ang panukalang budget sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob ng isang araw, bago ang bakasyon ng Kongreso simula sa Huwebes, at magbubukas muli sa Nobyembre.
“Ang magiging budget para sa OVP ay P733 milyon na halos kapareho ng budget noong panahon ni Vice President Leni Robredo. Kasama na dito ang P30 milyon na makakatulong sa pagharap ng OVP sa epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” sabi ni Speaker Romualdez sa pahayag.
“May ilang miyembro ng Kongreso na nagmungkahi na bawasan pa ang budget ng Office of the Vice President, at ang iba pa ay nagpanukala na gawing zero ang pondo ng tanggapan dahil sa kaniyang hindi pagsipot. Ngunit tinanggihan ko ang mga mungkahing ito,” dagdag ng lider ng Kamara.
Ayon kay Romualdez, nauunawaan niya na dismayado ang mga kongresista sa kaniyang pasya na huwag nang bawasan pa o gawing zero ang pondo para sa OVP.
“Naniniwala ako na mahalaga pa ring magkaroon ng sapat na budyet ang Office of the Vice President para magpatuloy sa paglilingkod sa ating mga kababayan. Kung tatanggalin natin ang pondo, wala ring pakinabang ang mga mamamayan, lalo na ang mga umaasa sa serbisyo ng opisina,” paliwanag ni Romualdez.
Sinabi rin ni Romualdez na maaari pa ring matulungan ng OVP ang mga taong hihingi sa tanggapan ng tulong sa pamamagitan ng pagbigay ng referral o pag-endorso sa iba't ibang sangay ng gobyerno gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).
“Bagaman inaasahan natin ang pananagutan at pakikilahok, mahalaga rin na tiyakin na magpapatuloy ang serbisyo-publiko para sa ikabubuti ng lahat,” pahayag pa ni Romualdez.
Matapos aprubahan ng Kamara ang 2025 budget, ang Senado naman ang maghihimay at mag-aapruba nito, at kasama ring tatalakayin ang pondo ng OVP.
Sakaling magkaroon ng pagkakaiba sa bersiyon ng 2025 budget na aaprubahan ng Senado at Kamara--katulad ng halagang ilalaan sa isang opisina--muling magpupulong ang itatalagang kinatawan ng Senado at Kamara para sa Bicameral Conference Committee, upang repasuhin ang magkaibang bersiyon. -- mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News