Nabulabog kamakailan ang isang sitio sa Balabac, Palawan nang may makitang malaking buwaya sa kanilang lugar. Ang buwaya, nahuli kinalaunan ng mga residente pero bigla ring nakakawala.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video nang mahuli ang buwaya na nasa dalawang dipa ang haba na kaya umanong kumain ng bata.
Ayon kay Redzqa, naglalaba siya noon nang mapansin niya sa dagat na parang may lumulutang na kahoy. Pero ang inakalang kahoy, natuklasan na isa palang buwaya.
Ang mga residente, hindi naiwasan na mangamba dahil ito ang unang pagkakataon na may napadpad na buwaya sa kanilang lugar na malayo sa mga bakawan kung saan madalas nakikita ang mga buwaya.
"Natakot po ako para sa mga bata na baka makagat sila," sabi ni Redzqa.
Kaya naman ang mga mangingisda sa lugar, nagtulong-tulong upang mahuli ang buwaya. At nang kanilang mahuli, itinali nila ito at hinatak papunta sa baybayin.
Plano raw nilang ibigay ang buwaya sa mga awtoridad sa Palawan.
Ayon sa eksperto, isang saltwater crocodile ang buwaya na posibleng naghahanap umano ng pagkain kaya napadpad sa lugar ng mga tao.
Ngunit habang hinahatak ng mga residente ang buwaya, bigla itong nagpumiglas hanggang sa matanggal ang tali.
Nanghabol pa ito ng mga tao sa dalapasigan bago muling bumalik sa dagat at tuluyang nakakawala.
Dahil sa nangyari, nangangamba muli ang mga residente na baka nasa lugar lang nila ang buwaya at muling mang-atake.
Nag-iingat na rin maging ang mga nagtatanim sa dagat ng mga agar-agar o seaweeds. Kung dati ay maaari silang magtrabaho na mag-isa, ngayon ay kailangan na may kasama na sila para magbantay kung sakaling may makikitang buwaya.
Mahuli pa kaya ang buwaya at alamin ang iba pang lugar sa bansa na may nakikita na ring buwaya. Panoorin ang video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News