Nagulantang ang isang lalaki matapos niyang makunan sa video ang isang daga na hindi lang isa, kundi tila may tatlong katawan na lumabas sa kaniyang cabinet.
Sa ulat ng "For You Page" ng GMA Public Affairs, sinabing napahinto ang pananaginip ni Junjun Castro matapos siyang magising ng bandang 5 a.m. dahil halos 30 minuto nang may kumakaluskos sa kaniyang cabinet.
Nang suriin niya ito, laking gulat niya dahil tila tatlo ang katawan ng isang lumabas na daga.
"Nagising po ako, paggising ko, binuksan ko, 'yun nga, tumakbo na sila," kuwento ni Castro.
Ayon kay Castro, may mangilan-ngilan talagang nakakitang daga sa kanilang bahay, ngunit sadyang kakaiba ang na-videohan niya.
"First time ko talagang makita 'yun. Ang nakikita ko rito paisa-isa, hanggang dalawa na magkahiwalay. Pero 'yung nagkadugtong sila, first time kong nakita 'yun," sabi ni Castro.
"Natakot po ako na first time ko, tapos bagong gising pa ako, umagang umaga pa, pagtingin ko, 'yun pa ang nakita ko," dagdag niya.
Paliwanag ng beterinaryang si Dr. Zarah M. Rosuello, ang nakunan ni Castro sa video ay isang inang daga na kasama lang ang dalawa nitong bubuwit.
"It seems sumususo 'yung dalawang maliliit, 'yung smaller na rats. I-assume na 'yung mama rat 'yung naunang tumakbo tapos nakasabit na lang 'yung dalawang maliliit, 'yung babies. Dalawa 'yung nakasabit doon sa nanay," sabi ni Rosuello.
Ang anyo ng pagdede ng mga bubwit ang gumawa ng ilusyon na magkakadikit sila sa iisang hayop lang.
"It's really possible because 'yung area na 'yun ng cabinet could be a safe place for the mama rat to deliver at manganak," sabi pa ni Dr. Rosuello.
"Hinabol ko 'yung daga, hinanap ko siya dito sa tinakbuhan niya pero hindi ko na nakita, hindi ko na naabutan, hindi ko na namalayan kung saan napunta. Bigla na lang nawala sila," sabi ni Castro.
"Hahanap ang daga ng safe na lugar. So kung kunwari 'yung durabox, sisiksik siya roon sa may likod kung alam niya, feeling niya secure siya, hindi siya makikita, makakatago siya. Apparently it looks like may mga baby siya roon so dala-dala niya 'yon," sabi ng entomologist na si Alhmar Cervantes.
"Kung nadi-disturb sila or gusto niyang mag-evacuate, dadalhin niya 'yung mga anak niya and hindi niya naman maaakay 'yung mga iyon. So ganu'n ang gagawin nila kakagat sila, usually by mouth, kakapit sila roon sa tail nu'ng mother," patuloy niya.
Abala si Castro sa trabaho kaya inamin niyang hindi na rin siya gaanong nakapaglilinis ng kaniyang damitan.
Kaya naman nagsilbi itong wake-up call sa kaniya na kailangan na niya ng general cleaning.
"Ang number one for all kinds of is rodents is maintain cleanliness. Kasi tatlo lang parati ang hinahanap ng mga daga. They will look for food, water and shelter. Kung may makakain sila, maiinom sila at matataguan, posible ka nilang puntahan," sabi ni Cervantes.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News