Marami ang namamangha sa mga ahas na makukulay ang balat gaya ng mga coral snake. Pero kung pagiging iba ang pag-uusapan, wala na sigurong tatalo sa isang ahas na nakuhanan ng video na tila may mahabang sungay.
Sa isang episode ng programang "AHA," ipinakita ang makulay na ahas na two-lined coral snake o balitadan, na talaga namang kaakit-akit na lapitan o hawakan.
Pero ayon kay Romulo Bernardo, isang animal expert, hindi dapat lapitan o hawakan ang mga ganitong ahas dahil mayroon itong taglay na kamandag o venom.
Kung minsan, ang pagpapakita umano ng matingkad na kulay ng isang hayop ay paalala na dapat silang iwasan sila, o kaya naman ay mang-akit sa puwede nilang mabiktima.
"Ito yung advertising of color ng isang venomous snake na sinasabi niya na 'wag kayong lalapit sa akin kasi venomous ako,'" paliwanag niya,
"Hindi lang 'yan nangyayari sa mga snakes even some insects and animals nag-a-advertise din ng color para i-warn yung other predator or even attract yung vice versa," dagdag niya.
Ipinakita rin kay Bernardo na isang video na makikita sa isang masukal na lugar ang tila ahas na gumagapang sa damuhan na mistulang may dalawang sungay na nakalaylay.
Nakatalikod ang misteryosong nilalang kaya hindi nakita ang buo nitong hitsura.
Ayon kay Bernardo, mayroon talagang ahas na tila may maliit na sungay na tinatawag na Desert Horn viper.
Pero ang misteryosong nilalang sa video, mahaba na tila nakalaylay na antena.
"Wala pa kong nakitang ganon [mahabang sungay]," saad niya. "Maaaring nakakain ng palaka at naka-dangle yung magkabilang paa [na nagmukhang sungay]."
Sinabi rin ni Bernardo na maaari o may posibilidad na totoo ang nakitang kakaibang ahas pero mahirap umanong kumpirmahin dahil walang malapitang kuha sa misteryosong nilalang para malaman kung ano ba talaga ito. -- FRJ, GMA Integrated News