Laking gulat ng isang pamilya sa Davao del Norte nang makita nila ang alaga nilang pato na may nakausling buntot sa bibig nito. Kinalaunan, nalaman nila na isang makamandag na kobra ang malapit nang malunok ng kanilang alaga.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video ni Analyn Aragon, at madidinig ang hiyawan nang makita na kobra ang nasa bibig ng pato.
Nang suriin ang ahas sa bibig, lumilitaw na isa itong juvenile o batang Samar spitting cobra.
Nang hatakin ang ahas palabas mula sa lalamunan ng pato, may haba ito na isang talampakan.
Sinasabing mas peligroso ang mga batang spitting cobra dahil hindi pa nito kayang i-regulate ang kaniyang venom.
Dumudura ng kamandag ang kobra kapag nakaramdam ng panganib. Kaya maingat ang ginawang pagkuha sa kobra mula sa bibig ng pato.
Gayunman, patay na ang kobra nang mailabas sa mula sa bibig.
Ang kamandag ng kobra, nagdudulot ng paralysis at respiratory failure na posibleng ikamatay ng kaniyang biktima.
Malaking peligro ang maaaring sinapit ng pamilya kung patuloy na pagala-gala sa kanilang lugar ang kobra kung hindi nakain ng pato.
Kaya malaki ang pasasalamat ng pamilya sa kanilang pato na ligtas din. -- FRJ, GMA Integrated News