Mala-sci-fi o tila Hollywood movie ang tagpo nang bumagsak ang isang maliit na asteroid sa Hilagang Luzon noong hatinggabi ng Huwebes na nagpaliwanag sa madilim na gabi. Pero ang ibang nakasaksi sa pagbihirang pangyayari, may iba pa umanong napansin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing hapon ng Miyerkoles nang mabalitaan ng electrical engineer na si John Dean Urbanozo na mula sa Lal-lo, Cagayan Province, na posibleng may mamataang asteroid sa kanilang probinsya kaya matiyaga niya itong inabangan.
"Blueish siya tapos habang lumalayo nagiging red," paglalarawan ni Urbanozo tungkol sa kaniyang nasaksihan.
"Nakakabulag. Overwhelmed. Bihira ka lang makikita ng gano'n na natural phenomenon activities. Sa buong buhay mo baka hindi ka na makikita ng gano'n na activities," sabi ni Urbanozo.
Makalipas ang 30 minutong pagbagsak ng asteroid, tila may lumagutok daw sa kanilang bubong na tila maliliit na bato.
Si CJ Collado naman na nagmomotorsiklo mula sa bayan ng Santa Ana, Cagayan, nasaksihan din ang pagbulusok ng asteroid.
"Pinapanood ko lang siya na nakatulala lang ako. First time kong makakita ng gano'n," sabi ni Collado.
Ngunit ang kanilang pagkamangha, napalitan ng kaba nang makarinig sila ng tila pagsabog, at sinundan pa ng tatlo hanggang limang segundong pagyanig ng lupa.
"'Pag may mga gano'ng pangyayari na bigla-bigla, may mga bagyong parating. Umulan pa matapos bumagsak," sabi ni Collado.
Tila nangangalit din umano ang dagat kung saan nila nakitang dumaan ang asteroid.
"Pinapanalangin ko na sana hindi 'yun mangyayari. Maraming tao ang maapektuhan," sabi ni Collado.
Ang magkapatid naman na sina Christian Patrick Suntay at Jorge David Suntay sa Ilagan, Isabela, medyo nagulat, natakot at nag-alala sa posibleng shockwave.
Ilang oras bago nito, bigla umanong naglipana ang napakaraming mga puting ibon malapit sa kanilang bahay.
Sa kabila ng takot, umakyat pa rin sila sa kanilang bahay isang oras bago ang pangyayari para abangan ang asteroid. Hindi naman sila nabigo pero may nadinig umano silang na kulog.
"Sounds talaga ng isang meteor, katulad ito ng isang jet fighter na nagpo-produce na isang sonic boom associated with the shockwave," paliwanag ni Mario Raymundo, Chief Astronomical Publication and Planetarium Unit, PAGASA, tungkol sa sinasabing nadinig nang mga nakakita sa asteroid.
Sinabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration na ang 2024 RW1 ang bumagsak na asteroid sa ating atmospera na tinatayang nasa isang metro ang sukat.
Ang 2024 RW1 ang ika-siyam na asteroid na natukoy sa kasaysayan ng ating planeta.
Tunghayan sa KMJS ang paliwanag ng PAGASA kung mauulit pa sa kasaysayan ang delubyong idinulot ng pagbagsak ng asteroid, na humantong sa pagkamatay ng mga dinosaur maraming milyong taon na ang nakararaan.
Totoo rin kayang may kaakibat na signos ng masamang mangyayari ang pagbagsak ng 2024 RW1? Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News