Isang misis ang labis na nagseselos sa kinahuhumalingan ng kaniyang mister na makinis, seksing tingnan at pinagkagagastusan para "bihisan." Pero hindi ito babae kung hindi motorsiklo. Dahil dito, naapektuhan na ang kanilang pagsasama, na posibleng mauwi sa hiwalayan kung hindi maaagapan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing sumulat si Ellen Rose delos Santos sa programa upang isumbong ang mister na si Vencint Abucayan, dahil sa kinalolokohan nitong motorsiklo.
Bago nito, parehong ikalawang pagkakataon na nina Vencint at Ellen sa pag-ibig. May isang anak na si Vencint habang dalawa naman si Ellen.
Naninirahan ang mag-asawa sa Lingig, Surigao del Sur. Si Vencint, isang dating security guard at suma-sideline bilang delivery rider.
Sa una nilang pagtatagpo, agad nang napansin ni Ellen ang motorsiklo ni Vencint.
"Doon na ako unang nakatingin sa motor niya dahil nga, ang angas tingnan, ang kinis, ang kintab pa. Bagong- bago," sabi ng ginang.
Ngunit nang sagutin na ni Ellen si Vencint, dito na tila nag-iba ang ugali ng lalaki.
"Hindi ko rin masisi sa kaniya kasi lagi kasi siya nanghihingi ng time sa akin. Tapos may mga time na hindi ko kaya ibigay sa kaniya," ani Vencint.
Nagsimulang magduda si Ellen dahil gabi nang nakakauwi ng bahay si Vencint, kaya naghinala siyang baka may ibang babae ang kaniyang mister.
"Sa motor lang talaga, ma'am. Ang papa ko po kasi mahilig na mag-motor. Kaya nakahiligan ko na rin. Hanggang sa nagkaroon ako ng sarili kong motor, ginagawa ko na siyang parang kapatid. Pagising ko sa umaga, mas gusto ko lagi nakikita 'yung motor ko. Parang gusto ko siya laging hinahawakan. Pinag-aawayan namin 'yan," sabi ni Vencint.
Galante rin si Vencint pagdating sa kaniyang motorsiklo, at nalaman na ni Ellen, na ito nga ang lagi nitong kasama sa buong araw.
Hanggang sa naapektuhan na rin nito maging ang gastusin para sa kanilang mga pangangailangan.
"Good for 15 days na pangkain namin, pang allowance niya, napunta na po du'n nga po sa motor. 'Pakikuha sa baba ng parcel ko.' 'Yun pala 'yung mga accessories pala ng motor," kuwento ni Ellen.
"Gusto ko lagi mag-upgrade. Lagi kong iniisip na 'Ano pa kayang kulang nito? Ano pa kayang puwede kong gawin para mas lalong gumanda pa ito?" sabi ni Vencint.
Umabot sa puntong isinangla na rin ni Vencint maging kaniyang ATM card, magkaroon lang ng panggastos sa kaniyang kinahuhumalingan.
"Naglalayas na ako. Kaso nadala din ako dahil sa nagmamakaawa din siya. Nagdesisyon siya na kukuha na lang kami ng motor na mas mura-mura po du'n sa una. Para maliit na lang daw yung babayaran namin kada buwan," sabi ni Ellen.
Pero nang makita ni Vencint ang bagong motor ng kaniyang kumpare, tila nainggit ito at bumili na naman ng bagong motor, na naulit nang naulit na umabot ng walong beses.
Umabot na ng hanggang P150,000 ang mga gastos ni Vencint dahil sa pang-down at buwanang hulog sa motor.
"'Yung motor nga niya, paganda nang paganda. Palubog naman po kami sa utang. Nakakatanggap na ako ng medyo hindi na okay na mga chat," ani Ellen.
Hanggang sa napapadalas na ang kanilang pag-aaway.
Nadagdagan pa ang isipin ni Ellen nang "manakaw" ang huling motor ni Vencint sa kanilang bahay. Pero kinalaunan, inamin din ni Vencint na ibinenta pala nito ang sasakyan para makabili ng bagong motorsiklo.
"Sobrang nasaktan po ko. Nabawasan 'yung tiwala ko sa kaniya. Mismo papa ko po sabi, 'yung motor nga, naloko ka niya. How much more pa daw sa ano, ibang bagay. Katulad na lang po sa pambababae. What if iwan ko ito?" dagdag ng ginang.
Tunghayan sa video na ito ng KMJS kung kaya pa kaya ni Vencint na itigil ang pagkahumaling niya sa motorsiklo upang maisalba ang kaniyang pamilya?
Alamin din ang payo ng isang relationship counselor tungkol sa problema ng mga mag-asawa dahil may kinahuhumalingan ang isa sa kanila. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News