Natapos na ang halos dalawang linggong paghahanap ng mga pulis kay Pastor Apollo Quiboloy sa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City, matapos siyang "mapasakamay" ng mga awtoridad nitong Linggo ng gabi.
Unang inihayag ni Interior Secretary Benhur Abalos sa Facebook post na "nahuli" na si Quiboloy, na may kasamang larawan ng religious leader na hinahanap ng pulisya para isilbi ang arrest warrant laban sa kaniya.
Gayunman, pinabulaanan ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Quiboloy, na "nahuli" ang kaniyang kliyente, bagkos, "sumuko" umano ito sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines. (ISAFP) habang nasa loob ng KOJC compound.
"He was not arrested, especially not by the Philippine National Police under the DILG. Therefore, it is epal to the highest level for Sec. Abalos to be seemingly taking credit for the non-existent arrest," ayon sa pahayag ni Topacio.
Kinumpirma ni Eastern Mindanao Commander Lieutenant General Luis Bergante sa GMA Regional TV na sumuko si Quiboloy sa ISAFP.
Ayon kay AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, "in full support" ang AFP sa PNP simula ng operasyon sa paghahanap kay Quiboloy.
"Our role in this matter has been purely in support of the PNP's efforts in serving the warrant. As this is primarily a police operation, we defer to the PNP to provide the details and updates on the situation," anang opisyal.
Sinabi naman ni Police Davao Region chief Brigadier General Nicolas Torre III, na natagpuan si Quiboloy sa lugar na inaasahan nila.
Gayunman, tumanggi siya na magbigay pa ng detalye.
Police Regional Office 11 Director PBGen. Nicolas Torre III, wala pang maibigay na karagdagang detalye kaugnay ng pagkakaaresto kay Pastor Apollo Quiboloy. | via GMA Regional TV One Mindanao pic.twitter.com/bge8vIACeN
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 8, 2024
“Hindi naman tayo nagduda du'n eh.There’s no doubt that he’s here. Napag-aralan natin, kaya medyo humaba ang ating paghahanap dahil napakalaki ng lugar,” sabi ni Torre.
“Ako’y nagpapasalamat kay Pastor Apollo Quiboloy for the realization na ito na talaga ang tamang gawin, harapin na talaga ang batas, dagdag niya.
Nagpasalamat din si Torre sa mga kasapi ng KOJC sa kooperasyon, at umaasa siyang magsisimula na ang paghilom kung ano mang sugat ang nilikha sa ginawa nilang paghahanap kay Quiboloy sa compound.
“May mga pagbabangayan siguro, hindi pagkakaintindihan, at mga engkwentrong maliliit lang naman, so I do hope that this will be the start of the healing at hindi magkaaway. Hindi niyo ako kaaway,” pahayag niya.
Mula sa Davao City, isinakay si Quiboloy sa eroplano na C-130 at dinala na sa PNP Custodial Facility Camp Crame, ayon sa Super Radyo dzBB report.
Coaster na pinaniniwalaang ginamit sa paghahatid kay Pastor Apollo Quiboloy sa PNP Custodial Facility Camp Crame mula sa Villamor Airbase, lumalabas na sa pasilidad | via @dzbbsamnielsen pic.twitter.com/q3rT2XnJrs
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 8, 2024
Sa hiwalay na pahayag, pinuri ni Senador Risa Hontiveros ang awtoridad sa matagumpay na paghahanap kay Quiboloy, "for their tireless efforts and dedication, despite Quiboloy's tactics."
"Mananagot ka, Apollo Quiboloy. You cannot outrun the law. You will not further delay justice," anang senadora.
"Abot-kamay na ng mga victim-survivors ang hustisya, salamat sa kanilang paglalakas-loob na magsabi ng katotohanan," sabi pa ni Hontiveros.
Nahaharap si Quiboloy sa iba't ibang kaso gaya ng human trafficking at child abuse dito sa Pilipinas, at maging sa Amerika.
Gayunman, mariing itinanggi noon ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kaniya. --FRJ, GMA Integrated News