Matapos ang panghoholdap kamakailan sa isang kainan sa Baras, Rizal, isang kainan naman ngayon sa Angat, Bulacan, hinoldap ng mga armadong lalaki. Hinihinala na iisang grupo lang ang sumalakay sa magkahiwalay na insidente.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, ipinakita ang kuha sa CCTV camera ng kainan sa Bulacan nang dumating ang mga salarin na nakasakay sa mga motorsiklo at may mga suot na helmet.

BASAHIN: 5 holdaper, ninakawan at hinampas ng baril ang mga customer ng kainan sa Rizal

Katulad ng insidente sa Rizal, tinutukan ng mga salarin ng baril ang mga costumer sa kainan sa Barangay Sulucan sa Angat noong Biyernes ng madaling araw.

Ilan sa mga biktima ang pinalo rin nila ng baril sa ulo, kinuha ang kanilang mga gamit, gaya ng cellphone.

Ang isa sa mga salarin, nilimas ang P7,000 na pera sa kaha ng kainan at kinuha rin ang dalawang cellphone ng crew.

Ilan sandali pa, tumakas na sila sakay ng motorsiklo.
 
Ayon sa may-ari ng kainan, tinangay din ng mga holdaper ang motorsiklo ng mga biktima.

Ang mga rescue personnel daw na kakain sana sa kanila ang tumulong na magreport sa mga pulis sa nangyari dahil wala na silang mga cellphone para makatawag at makahingi ng tulong.

Nitong Sabado, iniulat ang panghoholdap sa isang kainan sa Marilaque highway sa Baras, Rizal na nangyari naman noong Huwebes.
Hinala ng may-ari ng kainan sa Angat, iisang grupo lang ang sumalakay sa kanila at sa Baras.

Ang isang biktimang customer sa Marilaque highway, nakilala ang kaniyang helmet na ninakaw at nakitang suot ng isa sa mga salarin na umatake sa Angat.

Napansin na pareho ang sapatos ng isa sa mga suspek sa Rizal at Bulacan.

Panawagan ng may-ari ng kainan sa Angat, mahuli na sana ang mga holdaper.

Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang Angat Police habang patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa insidente.-- FRJ, GMA Integrated News