Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Bureau of Fire Protection (BFP) na imbestigahan kung totoo ang nag-viral na larawan na isang truck ng bumbero ang ginamit para punuin ng tubig ang swimming pool ng isang bahay sa Taytay, Rizal.
Sa urgent memorandum na pirmado ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. nitong Agosto 16, Biyernes, inatasan si BFP chief Fire Director Louie Puracan na kaagad na imbestigahan ang insidente at alamin ang katotohanan.
Nais din ni Abalos na tukuyin ni Puracan ang mga tauhan ng BFP na sangkot sa naturang gawain na tinawag niyang “unscrupulous.”
“[I]f warranted, they should be relieved from their post pending the result of a formal investigation,” nakasaad sa sulat.
Inaasahan naman na kaagad na magbibigay ng ulat ang lider ng BFP kay Abalos.
Batay sa viral post sa Facebook account na "Taytay Updates," nakasaad na nangyari umano ang insidente sa Maharlika Village.
Sa mga naka-post na larawan, makikita ang isang pulang trak ng bumbero na nakatigil sa labas ng isang bahay. Ang hose na sinasabing nakakonekta sa trak, papunta umano sa swimming pool.—FRJ, GMA Integrated News