Sa ikalawang pagkakataon sa loob ng dalawang taon, idineklara ng World Health Organization (WHO) na isang global public health emergency ang mpox, na dating tinatawag na monkeypox, para bigyan ng babala ang mundo. Ano nga ba ang sakit o virus na ito?
Sa Need to Know ng GMA Integrated News, sinabing idineklara ng WHO ang naturang alarma kasunod ng outbreak o pagtaas ng mga kaso ng naturang viral infection sa Democratic Republic of Congo at sa mga kalapit nitong bansa.
"The public health emergency of international concern is the highest level of alarm under international health law," ayon sa director-general ng WHO na si Tedros Adhanom Ghebreyesus, para maalerto ang mundo at mapigilan ang pagkalat ng virus.
Ang mpox ay sakit na dulot ng monkey pox virus, na isang viral zoonotic infection, o sakit na maaaring maipasa sa tao mula sa hayop.
Una itong naitala sa mga unggoy noong 1958, hanggang magkaroon ng unang pagpasa ng virus sa tao noong 1970.
"This virus is part of the same family as the virus that causes smallpox. People with mpox often get a rash, along with other symptoms. The rash will go through several stages, including scabs, before healing. Mpox is not related to chickenpox," ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDCP).
Mayroong dalawang uri ng mpox: ang clade I na mas delikado umano kumpara sa mpox na clade II.
Maaaring makuha ang sakit kung may direct contact sa body fluids o skin-to-skin contact, kasama ang pagdikit sa rash o pantal ng taong mayroon nito.
"Both clades can spread through direct contact with infected wild animals. Through close contact including intimate or sexual contact with a person with mpox, and through contact with contaminated materials," ayon sa CDCP.
Ang sintomas ng sakit ay gaya ng lagnat, at nagdudulot ito ng sugat o rashes sa ilang bahagi ng katawan.
Kasama rin sa sintomas ayon sa CDCP ang pagkapagod, manginginig, at pamamaga ng lymph nodes, o kulani.
"People with mpox oftern get a rash that may be located on hands, feet, chest, face, or mouth or near the genitals, including penis, testicles, labia, and vigina, and anus," sabi ng CDCP.
May mga kaso umano ng mpox na kusang gumagaling pero maaari ding magdulot ng komplikasyon kapag napabayaan.
Tumatagal ang incubation period ng mpox ng tatlo hanggang 17 araw. Sa panahon na ito, ang taong may mpox maaaring walang maramdaman na sintomas, ayon sa CDCP. -- FRJ, GMA Integrated News