Napaiyak sa labis na hinagpis ang isang ama sa Gaza na kumuha ng birth certificate ng kambal niyang anak na bagong silang. Nalaman niya na binomba umano ng Israel ang tinutuluyan nila at kasamang nasawi ang kambal, ang kaniyang asawa, at ina nito.
Sa ulat ng Reuters, umiiyak na ipinakita ni Mohammed Abu Al-Qumsan sa labas ng morgue ang kakakuha pa lang niyang birth certificate ng kaniyang kambal na anak na sina Asser at Ayssel, na apat na araw pa lang na isinisilang.
Nangyari ang pag-atake umano ng Israel sa Deir Al-Balah sa Gaza Strip.
"My wife is gone, my two babies and my mother-in-law. I was told it's a tank shell on the apartment they were in, in a house we were displaced to," sabi ni Abu Al-Qumsan, 31-anyos.
Bitbit niya at iba pang kasama ang mga labi ng kaniyang kambal na babae at lalaki, na nakabalot sa puting tela, na naging ordinaryong tanawin na umano sa Gaza kasunod na isinasagawang operasyon ng Israel laban sa grupong Hamas.
Sa 10 buwan mula nang sumiklab ang digmaan, at halos mapulbos ng mga bomba ang maraming lugar sa Gaza, kinakapos na rito ng mga pagkain, malinis na inumin, gamot, at wala nang mapaglagyan ang mga pasyente sa mga ospital, gaya ng Al-Aqsa Maryrs Hospital sa Deir al-Balah.
"Today, it was registered in history that the occupation army targets newborn children who are barely four days old, twins along with their mother and grandmother," sabi ng duktor na si Khalil al-Daqran.
Nauna nang sinabi ng Israel na iniiwasan nila ang civilian casualties pero inaakusahan nila ang Hamas na gumagamit ng human shields, na mariin namang itinatanggi ng grupo.
Ayon sa Gaza health authorities, nasa 40,000 na ang nasawi sa ginagawang pag-atake ng Israel sa Gaza, at mahigit 92,000 naman ang sugatan.— FRJ, GMA Integrated News