Kabilang si Mark Andrew Yulo sa libu-libong tao na nag-abang sa gilid ng kalsada para makita ang kaniyang anak na two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo na nakasakay sa float habang isinasagawa ang heroes’ parade sa Maynila nitong Miyerkules.
May bitbit na mahabang papel ang mga kasama ni Mark Andrew na may nakasaad na: "Caloy Dito Papa Mo!"
BASAHIN: 3-bedroom condo unit na P32-M ang halaga na ibinigay kay Carlos Yulo, silipin
BASAHIN: Carlos Yulo, nakatanggap ng P14-M insentibo mula sa Kamara de Representantes
Nang dumaan sa tapat nila ang float ni Carlos, makikita na kumaway at sumaludo ang Pinoy gymnast.
Nag-post din ng mensahe sa social media si Yulo na makikita ang larawan ng kaniyang ama na kasama ng mga tao na nag-abang sa kaniya.
Saad ni Yulo sa post, "Maraming salamat Pa, masaya ako nakita kita don nakasuporta."
Humingi rin siya ng paumanhin sa kaniyang ama.
"Pasensya na Pa hindi ako masyado nakakaway, ang daming nag-pa-autograph hehe," patuloy niya sa mensahe.
Pero pangako ni Yulo sa ama, "Kitakits soon Pa."
Nitong Martes ng gabi dumating si Yulo sa Pilipinas kasama ang iba pang atletang Pinoy na lumaban sa Paris Olympics.
Bukod sa heroes’ parade, naging abala sa Yulo ngayong Miyerkoles sa iba't ibang pagtitipon, kabilang ang pagtanggap niya sa three-bedroom condominium unit na nagkakahalaga ng P32 milyon sa Taguig na ibinigay ni property developer na Megaworld Corp. at ang P14 milyon insentibo mula sa Kamara de Representantes. —FRJ, GMA Integrated News