Inilahad ng Pinoy gymnast at two-time Olympic champion na si Carlos Yulo ang mga dahilan kung bakit sila nagkaroon ng hidwaan ng kaniyang ina na si Angelica, na matagal na raw niyang napatawad.

Sa TikTok video na kaniyang ipinost ilang araw matapos siya manalo ng dalawang gold medals sa 2024 Paris Olympics, sinabi ni Yulo na pamamahala sa pera ang isa sa kanilang pinag-awayan.

"May mga gusto lang po akong i-clarify doon sa mga interviews at mga sagot ng nanay ko sa mga interview niya po. Unang-una po, ‘yung 70k na incentives na sinasabi niya from World Championships 2021, unang-una 2022 po ‘yun at hindi lang po 70k ‘yung na-receive ko po doon, alam ko six digits po ‘yun dahil dalawa po ‘yung nakuha kong medalya," sabi ni Yulo.

"Hindi ko pa po malalaman na na-receive na niya po ‘yung incentives [pera] ko kung hindi ko pa po hinanap," patuloy niya.

Nilinaw ni Yulo na hindi talaga tungkol sa pera ang usapin para sa kaniya kung hindi ang paggamit ng ina sa pera nang hindi ipinapaalam sa kaniya kung saan napunta.

"Never ko na po na-receive ‘yung incentives ko po na ‘yun at never ko na rin hiningi ‘yun sa kanila. Binigay ko na at wala na po ‘yun sa akin. Ang sa akin lang naman, gusto ko lang malaman kung saan napunta 'yung incentives. ‘Yung principle po kasi dito ay wala sa liit o laki ng amount po ng incentives na ginalaw niya, kundi po sa pagtago at paggalaw niya nang wala akong consent," paliwanag niya.

Isa pa umano sa dahilan ng hindi nila pagkakasundo ng kaniya ina ay ang relasyon niya sa kaniyang nobya na si Chloe San Jose.

Ayon kay Yulo, kaagad na hinusgahan ng kaniyang ina si Chloe, na kaniya namang ipinaglaban dahil sa mahal niya ito.

"At ‘yung about sa red flag daw po si Chloe. Hinusgahan niya po agad si Chloe sa pananamit at sa pag-akto po niya. Magkaiba po ng kinalakihan. Unang-una, lumaki si Chloe sa Australia. At ayun ‘yung nakagisnan niyang culture," pahayag ni Yulo.

"At ‘yung about sa ‘mauubos ‘yung anak ko’ na sabi po ng mama ko. Unang-una po, si Chloe ay may sariling income. Lahat ng nakikita niyong gamit o ‘yung pag-travel niya kung saan-saan, galing po ‘yun sa pinagpaguran niya," sabi pa ni Yulo.

Sa kabila ng kanilang hindi pagkakaunawaan, tanggap ni Yulo ang ginawang pagbati sa kaniya ng kaniyang ina.

"May recent interview po kayo na kino-congratulate niyo po ako. Kung genuine po talaga kayo, Ma, maraming salamat po and ina-acknowledge ko po 'yung pagko-congratulate niyo sa akin," saad ng Pinoy Olympian.

Ayon kay Yulo, napatawad na niya ang kaniyang ina, at umaasa siya na "mag-heal kayo, mag-move on" sa nangyari sa kanila.

"Ang message ko po sa inyo, Ma, na mag-heal kayo, mag-move on, at napatawad ko na kayo a long time ago po. Pinagpe-pray ko na maging safe kayo palagi at nasa maayos kayong kalagayan lahat diyan,” sabi ni Yulo.

Sa nakaraang ulat ng GMA News 24 Oras, itinanggi ni Angelica na may kinuha siyang pera mula sa account ng kaniyang anak.

Sa kabila ng kanilang hidwaan, binabati niya ang tagumpay na nakamit ni Yulo sa Paris. —FRJ, GMA Integrated News