Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ng resident doctor na si Oyie Balburias ang mga posibleng dahilan kung bakit nakararanas ng palpitation ang tao, bagay na hindi raw dapat binabalewala.
Ayon kay Dr. Balburias, hindi dapat nararamdaman ng isang tao ang pagtibok ng kaniyang puso kaya hindi normal kapag naramdaman ito dulot ng tinatawag na palpitation.
Isa sa mga posibleng dahilan ng palpitation ang Hyperthyroidism, kung saan mataas ang antas ng thyroid hormone.
Posible ring ang palpitation ay “compensatory mechanism” kung may anemia o mababa ang pula ng dugo ng isang tao.
Maaari ding dahil sa dehydration ang sintomas ng palpitation.
“‘Yang sintomas na ‘yan hindi ‘yan binabalewala, dapat ‘yan kumonsulta ka sa isang doktor para mapagawan ka ng mga blood workup to rule out kung ano man ang metabolic causes kung bakit nagkakaroon ka ng sintomas ng palpitasyon,” sabi ni Dr. Balburias.
Tunghayan ang naturang episode ng "Pinoy MD," at alamin ang sagot ni Dr. Balburias sa tanong kung maaari bang makontrol ang diabetes kahit hindi na uminom ng maintenance na gamot. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News