Ang masayang outing ng isang pamilya, nauwi sa pagpapaduktor nang biglang matumba at mapahawak sa tuhod ang isang babae habang nagda-dance cover matapos ma-dislocate ang kaniyang tuhod. Ano nga ba ang mga dapat gawin para maiwasan ang ganitong aksidente?
Sa isang episode ng programang "Pinoy MD," ipinakita ang video na kuha ni Apple Eunice Valencia habang nagsasayaw ang kapatid niyang si Eden Rosalem sa kanilang family outing.
Ngunit ilang saglit lamang nagulantang ang lahat nang biglang matumba na mag-isa si Eden.
“Akala ko po nag-joke lang po ‘yung kapatid ko. Pero nu’ng hindi na po kasi siya tumayo at talagang kita ko sa facial expression niya na nahihirapan na po siya, nasasaktan na ‘yung tuhod niya, ayun, doon ko po nalaman na ay, seryoso na talaga,” sabi ni Eunice.
Ayon kay Eden, na naramdaman siyang na "snap" sa kaniyang tuhod habang nagsasayaw.
“Ang bilis po ng pangyayari. Hindi ko na namalayan na natumba na po pala ako,” sabi ni Eden. “‘Yung sakit niya, first time ko siyang naramdaman. So hindi ko talaga ma-describe pero ang masasabi ko lang is ayoko na siyang maramdaman nu’n.”
Sa pag-review nila ng video, dito nila napansin na tila na-dislocate ang kaniyang patella o kneecap.
“Napansin ko nga po na parang nagkaroon ng dislocation sa bandang knee. Inulit-ulit ko po ‘yung video and pinakita ko din sa ate ko na, 'ate, ito, tingnan mo, parang na-dislocate talaga ‘yung knee ko nu’ng natumba,” paglalahad ni Eden.
Kinumpirma ng orthopedic surgeon ng Delos Santos Medical Center na si Dr. Raymand Guimba na kneecap dislocation ang nangyari kay Eden.
“First of all, ‘yung kneecap is ‘yung parang ‘yung buto in front of the bone. Usually, dislocation happens when nagfe-flex ‘yung knee. Usually, meron du’n isa, ‘yung nasa medial side, medyo weak siya to some people. So ‘pag nag-contract siya, nahihila niya on the other side. So it will tend to dislocate the kneecap from the joint,” paliwanag ni Guimba.
Base sa eksperto, kadalasang nangyayari o nakukuha sa sports injury ang ganitong uri ng aksidente kung saan nababangga ang patella o kneecap ng isang manlalaro.
Posible rin maging sanhi nito ng biglaang pagkabanat ng connective tissue sa thigh bones.
Paliwanag ni Dr. Guimba, posibleng may imbalance ang kaniyang muscles ni Eden, na mas malakas ang tatlo niyang muscle sa lateral side, o hinila niya ito sa maling direksyon.
Kapag ang isang tao ay nakaranas ng knee dislocation, kadalasan siyang nakararamdam ng matinding pananakit ng tuhod, paninigas ng muscles at pamamaga.
Dahil patuloy ang sakit na nararamdaman ni Eden sa kaniyang tuhod, kumonsulta na rin siya sa kaniyang doktor, binigyan ng pain medications at pinayuhang magpa-magnetic resonance imaging o MRI.
Pagkalabas, inirekomenda ng doktor ang Medial Patellofemoral Ligament (MPFL) reconstruction. Ngunit dahil nakakalakad naman siya at pinayuhan ng doktor na hindi urgent ang operasyon, nagpasiya si Eden na huwag muna itong ituloy.
Tunghayan sa Pinoy MD kung ano ang rekomendasyon ni Dr. Guimba sa pagsusuri niya kay Eden, at ano ang mga dapat gawin bago mag-dance cover para maiwasan ang mga aksidente. -- FRJ, GMA Integrated News