Nagdulot ng takot sa mga residente sa isang barangay sa San Fernando, Pampanga ang isang isda na kakaiba ang hitsura na parang buwaya na palutang-lutang baha. Limang lalaki ang nagtulong-tulong para hulihin ito.
Sa ulat ng For You Page ng GMA Public Affairs, ipinakita ang video na kuha ni Hershey Ococa, habang bitbit ni Ramram Ococa, ang isda na nasa apat na talampakan ang laki at nakabalot ng lambat.
Dalawang araw daw inabangan ng mga residente ang isda na pinangambahan nila na baka mangagat dahil sa malaki ang nguso nito na tila buwaya.
Ayon kay Ram-ram, walang makatiyak kung anong uri ng isda ang gumagala sa baha na higit sa tuhod ang lalim nang manalasa ang Bagyong Carina.
Hanggang sa malambat nila ito matapos magtulong-tulong ang limang lalaki.
Hindi raw nila inasahan ang hitsura ng isda ng kanilang nahuli at nang magsagawa sila ng pagsusuri, nalaman nila na isa itong Alligator Gar.
Ayon sa eksperto, kayang lumaki ng alligator gar ng hanggang walong talampakan kaya tinatawag din itong monster fish.
Ginagawa umanong pet ang mga alligator gar na nasa Pilipinas.
Ayon kay Ram-ram, isang gabi lang nanatili sa kanila ang monster fish dahil kinuha rin ng nagpakilalang may-ari.
Sinabi ni Hershey, na nakakawala umano ang alligator gar na isang pet, at sinamahan umano ng kaniyang kakilala ang katiwala ng may-ari na siyang kumuha sa monster fish.-- FRJ, GMA Integrated News