Hindi nakaiwas sa pangungutya ang isang babae noong kaniyang kabataan dahil sa maitim na kulay ng kaniyang kutis. Ngunit ngayon, gumanda na raw ang kaniyang kutis dahil sa paggamit niya sa kamatis bilang facial mask. Epektibo nga kaya ito? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "I Juander," itinampok ang content creator na gumagawa ng tomato facial mask na si Wendy Villoso.
Ayon kay Villoso, may insecurity siya sa kaniyang kagandahan kahit noong bata pa lang.
"Simula po noong nag-aral ako, sobrang itim ko talaga, sunog na sunog po talaga 'yung kulay ko noon. Kaya po kapag pumapasok ako sa school, lagi po talaga akong nabu-bully," sabi ni Villoso.
Sinubukan daw ni Villoso ang iba't ibang skin care products ngunit walang epekto ang mga ito sa kaniya.
Hanggang isang araw, may nakita siya sa online na may gumagamit ng kape at itlog para gumanda ang kaniyang kutis. Naisip niya na gayahin ito at sinamahan niya ng kamatis dahil na rin sa mga kasabihan na nakagaganda ito ng kutis.
Magmula nito, ginagamit na ni Villoso ang kamatis, gelatin at kape sa kaniyang skin care routine.
Pagkaraan ng dalawang buwan, nakita na raw ni Villoso ang resulta ng ginawa niyang pampakinis ng kutis na may kamatis.
Ngunit totoo nga kayang nakagaganda ng kutis ang kamatis?
"Marami kasing nutrients ang tomatoes. It's not only good for the skin, hair and other bodily functions. It has also Vitamin E, Beta-carotene plus the Vitamin C. These are the three things that give a brightening effect for the skin," sabi ng dermatologist na si Dr. Grace Beltran.
Tunghayan sa I Juander kung paano ginagawa ni Villoso ang kaniyang facial mask gamit ang kamatis, kape at gelatin. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News