Matapos ma-stranded ng 22 oras sa kalye sa kaniyang sasakyan dahil sa baha, masayang ibinahagi ng aktor na dumating na ang kaniyang "tagapagligtas" na tow truck.

Kabilang si Michael sa napakaraming motorista na naapektuhan ng baha dulot ng malakas na ulan na ibinuhos ng Habagat at Super Typhoon Carina.

Sa Instagram, ipinost ng aktor ang nangyayari sa kaniya nitong Miyerkules mula nang mag-pack up o matapos ang taping na kaniyang pinuntahan sa Cainta dakong 2:30 p.m.

Sa kaniyang unang update nitong Miyerkoles, ibinahagi ni Michael na limang oras na siyang na-stranded sa kalye. Bukod sa hindi na madaanan ang kalsada dahil hanggang baywang na ang baha, nagloko na rin ang kaniyang kotse.

“There’s no sign of the flood receding. Oh my God, and my car is malfunctioning,” saad niya sa video post.

“The roads are impassable due to waist-deep flooding, and my car has malfunctioned from the water I had to drive through earlier. It’s nighttime now, and I haven’t eaten. I guess we definitely shouldn’t have gone to work today,” caption niya sa post.

 

 

Pagdating ng Huwebes ng umaga, nag-update si Michael na nasa kaparehong lugar pa rin siya, at 17 oras na siyang stranded.

"Naiiyak na ako. The tow truck can’t get through, and my anxiety is kicking in. I just want to go home," saad ng aktor sa post.

“Praying you’ll be home soon, my love. Hang in there,” komento ng kaniyang asawa na si Julie Reyes-Eigenmann.

Pagdating ng hapon ngayong Huwebes, may magandang balita na si Michael tungkol sa kaniyang sitwasyon at nakangiti na siya sa larawan na kaniyang ipinost dahil dumating na ang tow truck na hahatak sa kaniyang sasakyan.

"A heartfelt thanks to everyone who reached out, sent assistance, and shared their heartfelt messages. I deeply appreciate your kindness and support. My thoughts and prayers are with those in more difficult situations. Stay safe, everyone. [praying emoji]," caption ni Michael.

 

 

Nitong Miyerkoles, nagdeklara ang Metro Manila Council (MMC) na state of calamity ang National Capital Region sa gitna ng matinding pagbaha dulot ng Habagat at ni Super Typhoon Carina.

Nito ring Huwebes, isinailalim din ang Bataan, Bulacan, Batangas at Cavite sa state of calamity, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr.

Ilang lugar pa ang nagdeklara ng state of calamity ang Pinamalayan, Oriental Mindoro, Kabacan, Cotabato; Pikit, Cotabato; Butuan, Davao de Occidental, at iba pa. --FRJ, GMA Integrated News