Inamin ni Gloc-9 na natakot siya noong 2012 nang ilabas ang kaniyang kanta na "Sirena" na pumatok sa mga tao, lalo na sa LGBT+ community.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules, sinabi ng Pinoy rapper na nangamba siya na baka mayroon siyang nailagay sa kanta na hindi tama.
"Kung alam n'yo lang kung gaano ako katakot noong time na ni-release naming 'yung kanta," saad niya."Dahil ayaw kong malaman na meron akong inilagay doon na hindi tama."
Pero ayon kay Tito Boy, maituturing regalo sa LGBT+ community ang "Sirena."
"That has become an anthem," sabi ng TV host. "Maraming, maraming salamat, hindi lamang nanggagaling sa akin pero galing na rin sa community."
Dati nang inihayag ni Gloc-9 na inspired sa kaniyang anak na gay ang "Sirena."
Bukod sa "Sirena," kabilang sa hit songs ni Gloc-9 ang "Upuan," "Bagsakan," at "Simpleng Tao."
Pag-amin pa niya, hindi na madali para sa kaniya ang pagkanta dahil na rin sa kaniyang edad na 47 at 27 taon na siya sa industriya.
"Hindi na po madali, masakit na rin ang lalamunan ko, may mga nararamdaman na ako after kong kumanta. Alam ko din na hindi na ganung karami ang palakpak na nare-received ko," sabi pa niya.
Aminado rin si Gloc-9 na marami ngayon ang mas mahusay sa kaniya at natutuwa siya tungkol dito.
Kabilang na rito ang tinatamong tagumpay ni EZ Mil sa Amerika na naka-collab pa si Eminem.
"Ako'y tuwang-tuwa na ako'y buhay na nakita 'yon. Para mabuhay ako sa time na may isang Pilipino na naka-apiran niya yung mga artist na pinakikinggan namin sa CDs ay isang bagay na dapat ipagmalaki mo talaga," ayon sa Pinoy rapper. —FRJ, GMA Integrated News