Dahil sa pagtatanim ng kamatis, nakabili na ng anim na sasakyan, bahay at lupa, at pitong hektarya ng taniman ang isang dating namamasada ng jeepney sa T'Boli, South Cotabato. Ang kaniyang pag-asenso, nagsimula lang sa kamatis na kaniyang hiningi.
Sa programang "I-Juander," napag-alaman na 20 taon nang nagtatanim ng kamatis si Johnny Tolentino, na dating jeepney driver.
Ayon kay Johnny, kapos ang kinikita niya noon sa pagiging jeepney driver hanggang sa napansin niya ang magandang kita sa kamatis na kaniyang naisasakay sa jeepney.
"Nakita ko ang pera na dala ng mga nagbebenta ng kamatis kasi ako ang nagkakarga. Then sinundan ko sila. Sabi ko, 'maganda palang magtanim ng kamatis hindi pala matagal, magkapera ka na, 75 days lang," kuwento niya.
Mula sa hiningi niyang kamatis sa tindahan, sinimulan ni Johnny ang pagtatanim sa maliit na lupa.
Ayon kay Johnny, madali lang magtanim ng kamatis na tutubo o uusbong kaagad pagkaraan ng apat na araw matapos ilagay sa lupa.
Pagkaraan naman ng 15 araw, maaari nang tuluyang itanim ang kamatis, at pagkalipas lang ng 75 araw ay maaari na umanong umani ng bunga nito.
Noong una, hindi raw kaagad naramdaman ni Johnny ang laki ng kita sa kamatis na sapat lang para sa pag-aaral at gastos sa pamilya.
Pero dahil na rin sa pagsisikap nilang mag-asawa, unti-unting lumawak ang kanilang tiniman hanggang maging pitong hektarya na ito ngayon na umaani ng daan-daang kahon ng kamatis.
Kaya naman nagbago na ang buhay ng dating jeepney driver na nakabili ng mga sasakyan, at bahay at lupa.
Bukod sa pagtatanim ng kamatis, nag-isip din ang mag-asawa ng iba pang pagkakakitaan gaya ng paggawa ng Kama-chutney, o pampalasa na katulad ng chutney na gawa sa India.
Pero ang Kama-chutney nina Johnny na P50 ang benta sa bawat bote, may Pinoy version na kamatis pa rin siyempre ang bida.
Tunghayan sa video na ito ng "I-Juander" kung papaano ginagawa ang Kama-chutney nina Johnny. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News