Nagbalik-tanaw si Maxene Magalona sa mga taon na naging magulo ang kaniyang buhay, at kung paano siya nakaahon mula sa pagsubok na ito.
Sa isang episode ng "Updated with Nelson Canlas," inamin ng aktres na naging "kalat" siya noon na panay ang party at alak dala na rin ng kalungkutan sa pagkawala ng kaniyang ama na si Francis Magalona.
“Hindi rin ako ashamed to admit na kalat ako noon. And also it was because of my father's death, because I didn't know how to deal with it,” saad ni Maxene.
“So I turned to alcohol, I turned to partying so that I could numb the pain. And then everyone was parang, I guess pinagbibigyan ako kasi alam nilang may pinagdadaanan ako,” patuloy niya.
Ayon kay Maxene, hindi lang niya ama si Francis M kung hindi best friend din. Kaya naman parang gumuho umano ang kaniyang mundo nang pumanaw ang kaniyang ama.
Gayunman, hindi raw nawala ang sakit ng damdamin na kaniyang naramdaman sa kabila ng kaniyang pagpapakasaya.
“When I was going through that painful experience, hindi ko na-realize five years na pala akong tuloy-tuloy umiinom at puma-party," saad niya. "Umiinom ako, naglalasing ako kasi nawala si papa eh.’ And then five years na pala, ganu’n pa rin ‘yung excuse ko. So you get caught in that cycle of distracting yourself, numbing the pain. And then when you wake up the next day, nandiyan pa rin naman.”
Hanggang sa kinailangan ni Maxene na matutunan na tanggapin na wala na ang kaniyang ama.
“So what I had to do was, I had to come to terms with it. I had to accept it. Kasi me drinking, partying, that was me resisting what was happening in the present moment. That was me denying my pain. And then when I started accepting, turning inward, feeling that pain, crying what I needed to cry, lahat ng emotions na hindi ko pinansin nu’ng limang taon na ‘yun, iniyak ko siya, hinarap ko siya, dinamdam ko siya, and finally tinanggap ko,” kuwento niya.
Para kay Maxene, isa itong pagsubok na ibinigay ng Diyos na kailangan niyang mapagdaanan.
“Tinanggap ko that my dad's death is a part of my human experience, and it is one of my unique assignments from God. Feeling ko kasi lahat ng mga pinagdadaanan nating challenges sa buhay natin, ‘yan ‘yung mga unique assignment na binibigay sa atin ni God, na alam niyang kaya nating daanan," paliwanag ni Mexene. Hindi niya tayo binibigyan ng pagsubok na hindi natin kaya. Akala lang natin hindi natin kaya.”
Nang matutunang tanggapin na wala na ang kaniyang ama, sinabi ni Maxene na mas napalapit siya sa Diyos at naging magaang na ang kaniyang kalooban.
Paniwala rin Maxene, mas gugustuhin ng kaniyang ama na makita siyang umiiwas sa mga party at pag-iinom.
“And of course, being the person that I am now, hindi na umiinom, hindi na puma-party, this is what would make my dad proud, ‘di ba? Hindi ‘yung puma-party ako, hindi ‘yung nag-iinom ako at malungkot, I'm sure my dad would want to see me this way,” sabi ng aktres.
Pumanaw si Francis M. sa edad 44 dahil sa Acute Myelogenous Leukemia noong Marso 6, 2009.--FRJ, GM Integrated News