Sinagot ni Billy Crawford ang mga espekulasyon na ilegal na droga ang dahilan ng kaniyang pagpayat. Giit ng TV host-actor, hindi siya adik at handa siyang sumailalim sa drug test.

Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa GMA News "24 Oras," nitong Miyerkules, sinabi ni Billy na dati nang nagiging usapin sa kaniya ang kaniyang timbang.

"It's like a circle sa buhay ko. It's a non-stop conversation is my 'nutrition' or my diet. I'm not on a diet," saad ni Billy.

"It used to faze me. It used to get me. It used to may kurot ng konti. Pero now, it really doesn't anymore. Nakakatawa na lang," patuloy niya.

Pero hindi umano siya gumagamit ng ilegal na droga kaya bumaba ang kaniyang pangangatawan.

"Sa mga nakakakilala sa akin, I am by far one of the few artists [who] are the ones who don't try drugs. We can all take a strand of our hair and do tests ngayon din. Puwede kong hamunin lahat ng tao dito ngayon. No problem. I have nothing to hide," paghamon niya.

"Hindi po ako adik. Adik ako sa pamilya ko. Adik ako sa trabaho ko, and that's it. I'm living, I think, my life to the fullest right now," dagdag ni Billy.

Ipinagmamalaki rin Billy na limang taon na siyang hindi umiinom ng alak at naninigarilyo.

"With God's help and God's grace, I did it. So I think everyone is allowed and able to change. You can change," sabi niya.

Nitong nakaraang buwan, nilinaw na rin ng asawa ni Billy na si Coleen Garcia, na walang problema sa kalusugan ang kaniyang mister.

"We've addressed it so many times, to the point na nakakapikon for him kasi how do you change the way you look 'di ba?" saad ng aktres. "Whatever he looks like right now, it's not an unhealthy thing."

Ayon kay Coleen, bumibiyahe si Billy sa France every month para sa trabaho.

"'Yung trabaho niya dun, hindi hosting. Nagpe-perform talaga siya sa music festivals," paliwanag niya.

"Hindi lang nakakaabot dito, hindi kasi siya masyado nagse-share sa social media. Pero he performs talaga almost every day that he's there in France. Talagang papayat siya," sabi ni Coleen.

Makakasama si Billy bilang coache sa upcoming "The Voice Kids Philippines."

Dating nag-coach si Billy sa "The Voice Generations" noong nakaraang taon, kasama sina Chito Miranda, Julie Anne San Jose, at Stell ng SB19. —FRJ, GMA Integrated News