Nilinaw ng aktres na si Ara Mina ang ilang isyu na ikinakabit sa kaniya kaugnay sa viral post tungkol sa paggamit ng gadgets habang nanonood ng musical play.
Sa programang "Dapat Alam Mo," nakapanayam ni Kuya Kim Atienza si Ara, na magkakaroon ng concert sa July bilang bahagi ng selebrasyon sa kaniyang ika-30 taon sa showbiz industry.
Hiningan ni Kuya Kim ng paliwanag si Ara tungkol sa naturang insidente sa teatro na nakita sa viral post may gumagamit ng cellphone at laptop habang isinasagawa umano ang pagtatanghal.
Paliwanag ni Ara, katatapos lang umano ng 10 minute break ng pagtatanggal at bukas pa ang ilaw nang sandaling iyon.
"First, hindi sa akin yung laptop," ayon sa aktres dahil may mga taong nag-akala na siya ang gumagamit ng loptap.
Ayon pa sa aktres, may natanggap siyang text nang sandaling iyon kaya sinilip lang niya ang kaniyang [cell]phone, "and that's it."
Hindi raw alam ni Ara kung bakit naging big issue ang naturang insidente.
Ipinunto ni Kuya Kim na lumalabas na napagbintangan lang si Ara na siyang gumagamit ng laptop.
"Bakit naging viral? May kumuha tapos pinost?," saad ni Kuya Kim.
Natatawang sagot ni Ara, "May kumuha, gumamit din siya ng phone."
Samantala, gaganapin sa July 11 sa Newport Permining Arts Theater ang concert ni Ara bilang pagdiriwang sa ika-30 taon niya sa industriya.
Paliwanag ni Ara sa pagsasagawa niya ng concert, first love talaga niya ang pagkanta.--FRJ, GMA Integrated News