Emosyonal na humingi ng tawad sa kaniyang ginawa ang lalaking nag-viral sa social media na nakalabas ang dila at tila inaasar ang isang rider habang binabasa niya gamit ang water gun sa nagdaang Wattha Wattha festival sa San Juan noong nakaraang linggo.
Sa pulong balitaan nitong Martes na kasama si San Juan Mayor Francis Zamora, humingi ng paumanhin ang 21-anyos na lalaki sa alkalde dahil nasira umano ang imahen ng lungsod dahil sa kaniyang ginawa.
"Sa lahat po humihingi ako ng paumanhin sa inyo, sa mga nasabi ko po sa inyo," magalang niyang pahayag.
“Lalong lalo na po sa rider, humihingi po ako ng tawad sa inyo. Gusto ko po kayong makita, sa personal, gusto ko po humingi ng paumanhin po,” sabi pa niya habang katabi si Zamora.
Naging emosyon ang lalaki nang banggitin ang natatanggap umanong pagbabanta at nadadamay na rin daw ang kaniyang pamilya.
“Sa mga nagbabanta po sa akin….nai-stress na rin po. Kung ano-ano na lang din po ang lumalalabas na pagbabanta sa akin, lalong lalo na sa pamilya ko, huwag niyo naman po sana nila idamay,” pahayag niya.
"Kung may galit po sila sa akin ako na lang po ang anuhin nila. Dahil masakit din po kasi nadadamay po ang pamilya ko," dagdag niya.
Ayon kay Zamora, gagawa siya ng paraan para mapagharap ang lalaki at ang hindi pa nakikilalang rider.
Nitong Lunes, iniulat na pinapahanap ni Zamora para turuan ng '"leksyon" ang lalaki na nagmistulang mukha umano ng Wattha Wattha festival na inuulan ng puna dahil sa dami ng naperwisyo dahil sa nabasa kahit papasok sa trabaho, paaralan o maghahatid ng delivery.
Bagaman dismayado sa inasal ng kaniyang kababayan, sinabi ni Zamora na wala itong nilabag na ordinansa sa ginawang pambabasa at paglabas ng dila.
“Specifically yung kanyang ginawa na pagbabasa gamit ang water gun at pagdidila, kung tutuusin walang violation ito. Kahit sa batas, kinonsulta natin sa ating mga abogado…Wala kasing violation ng anumang batas,” sabi ng alkalde.
Idinagdag ni Zamora na ipapaubaya niya sa nabasang delivery rider at maging sa ibang tao kung magsasampa ng reklamo laban sa lalaki.
“It is up to the rider, kung sakaling gusto niyang mag-file ng kaso. Choice po ng rider ‘yan. Hindi lang yung rider kung mayroon pang ibang naperwisyo si [lalaki], kung ito ay mapapatunayan base sa mga CCTV o sa mga viral videos, option na po yan ng mga taong ito kung magfa-file sila na kaso,” paliwanag ng alkalde.
Dahil sa mga batikos sa nangyaring basaan, plano ng lokal na pamahalaan na magtakda na lamang ng mga lugar kung saan isasagawa ang tradisyunal na basaan sa taunang kapistahan ng kanilang patron na si Saint John the Baptist.— FRJ, GMA Integrated News