Pumanaw na ang aktor at direktor na si Manny Castañeda, ayon sa Facebook post ng kaniyang kaibigan na si direk Jose “Joey” Javier Reyes.

Sa naturang post ni Reyes, chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), inihayag niya ang labis na kalungkutan sa pagpanaw ng kaniyang kaibigan, na una niyang nakilala noong walong taong gulang pa lang sila.

"I do not know how it is going to be without my best friend just sitting out there ready to bitch it out with me," ani Reyes.

Ayon kay Reyes, matapos nilang magkakilala ni Castañeda noong walong-taong-gulang sila, muli silang nagkita sa canteen ng De la Salle College at mula noon ay hindi na sila nagkahiwalay.

"All throughout college ... until we both ended up teaching then finding our place in the insane world of show business," pagbahagi ni Reyes.

Bagaman may pagkakaiba, sinabi ni Reyes na laging nangingibabaw ang pagiging magkaibigan nila para sa isa't isa.

"I never told this you when you were around because I knew you would just cringe and tell me to shut up --- but you are such a great part of my life because you are my irreplaceable BFF," pahayag niya.

"I am going to miss you big time," pagtatapos sa caption ni Reyes sa black and white photo nilang dalawa.

Hindi binanggit ni Reyes kung ano ang sanhi at kailan pumanaw si Castañeda.

Nitong Linggo, nag-post din si Reyes ng lumang larawan ng pinaniniwalaang barkada niya at may nakasaad na, "Never undervalue much less underestimate ... the true treasures in your life. Always find the time to tell them you love them."

Bago nito, may post din ang direktor na nagsasaad na, "My heart is so broken. I love you, my friend. I will miss you so badly."

Huling naging proyekto ni Castañeda sa GMA Public Affairs ang Kapuso series na "Makiling."

Naging bahagi rin siya ng mga pelikulang "Oro Plata Mata" at "Sana’y Wala Nang Wakas," at naging direktor ng "Guwapings Dos," "I Love You Daddy," "Kailanman," at "Sa Kabilugan ng Buwan." —FRJ, GMA Integrated News