Minana ng Ifugao Province mula pa sa mga ninuno ang tradisyon ng pagpapanday, na naging bahagi na ng mayamang kasaysayan. Ang isa sa mga pinakamatandang panday sa Banawe, ipinagpapatuloy ang metikolosong sining sa kabila ng pagkaunti ng nagpapanday sa kanilang komunidad.
Sa dokumentaryong 'Ang Huling Panday,' ni Kara David, ipinakilala si Pedro Pinay-an, mahigit 50 taon nang panday, na binansagan ding “Tatay Himmanggo,” ang huling "Panday ng Cambulo."
Ang “Himmanggo” ay nangangahulugan ng “nakalanghap ng usok.”
Edad 14 lang si Tatay Himmanggo nang matuto siyang magpanday, at nadatnan pa ang mataas na pagtingin ng komunidad sa kaniyang mga ninuno na gumagawa ng mga sandata na kagaya niya.
Makikita sa mga sandata na kaniyang nilikha na de-kalidad ang kaniyang mga patalim.
Hindi biro ang kaniyang pagpapanday, na dapat ay pulido at tinitiis ang init ng apoy araw-araw sa loob ng tatlong linggo o higit pa.
Pagdating sa mga Ifugao, purong bakal ang kanilang mga itak, mula sa talim hanggang sa hawakan.
“Mahirap talaga, dahil sa apoy… saka ‘pag tiningnan mo ‘yung nagbabaga na bakal. Kapag ginanito mo ‘yung bakal, tumatalsik,” sabi ni Tatay Himmanggo.
Kapag matalas na ang bakal, idaraan na ito sa “quenching” kung saan isusubo ang itak sa langis para tumibay at lalo pang tumalim.
Para malaman ang talim ng itak, sinusubukan ito ni Tatay Himanggo sa sungay ng kalabaw, na mas matigas pa kaysa kahoy.
Kaiba sa pangkaraniwang kutsilyo o itak, bakal din ang hawakan ng mga kutsilyo o ng itak na tatak Ifugao Province.
Binabalot naman ng ratan ang hawakan nito.
Makikita rin na pantay o symmetrical ang pagkakapanday sa tinatawag na "pusod" ng itak.
Para masuri ang blade, silipin kung diretso ito o hindi baliko, pati na rin sa harap at likod nito.
Tunghayan sa I-Witness kung bakit kumakaunti ang mga kalalakihang nahihikayat sa pagpapanday sa Ifugao, at ang nagpabago sa isip ng anak ni Tatay Himmanggo kaya nais niyang ituloy ang tradisyon ng kanilang mga ninuno. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News